MANILA, Philippines- Tuloy at magpapatuloy hanggang matapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nahaharap sa pitong Articles of Impeachment kabilang ang betrayal of public trust at paglulustay ng pondo ng bayan.
Sinabi ni Senador Risa Hontiveros na kahit dumadaan sa ilang serye ng “deferrals at clarifications” ang impeachment trial sa pagitan ng Senado at Kamara, “alive and kicking” ang paglilitis.
“Right now we’re in a situation of deferrals and clarifications… At least ongoing na, alive and kicking yung impeachment trial kahit naging pahirapan yung pagsisimula nito ngayong linggo,” ani Hontiveros sa panayam.
Nitong Miyerkules, tinindigan ng Kamara na alinsunod at tumutupad ang kanilang articles of impeachment sa Saligang Batas bilang tugon sa mosyon ng impeachment court na ibalik ang reklamo at humingi ng “certification” sa legalidad nito.
Pero, ipinagpaliban ng Kamara ang pagtanggap sa ibinalik na articles of impeachment mula sa impeachment court habang naghihintay ng tugon sa motion for clarification hinggil sa kautusan ng impeachment court.
Ayon kay Hontiveros, naiwasan sana ang pabalik-balik na sitwasyon kung ibinasura ang mosyon ni Senador Alan Peter Cayetano at sa halip humingi ng paglilinaw mula sa House prosecutors.
“Naiwasan sana yung ganitong delay kung humingi na lang sana ng clarification ang impeachment court sa prosecutors. Ang dali-dali sana,” aniya.
“Parang pagkatapos ng apat na buwan na i-dribble [ng Senate] eh pinasa ulit sa House, kaya sabi ko nga, ano ito, PBA Finals? No, it’s an impeachment court. The ball is now in the court of the impeachment court,” dagdag ng senadora.
Ayon kay Hontiveros, hindi inaasahan ang plano ng impeachment court na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment sa gitna ng ‘shady workings months bago tipunin ang Korte.
“In a way, not totally unexpected given yung maraming medyo kababalagahang nangyari nitong mga nakaraang buwan,” wika ng senador.
Umaasa ang senador na ipagpapatuloy ang 20th Congress ang paglilitis kahit may bagong pagpasok na senador na kaalyado ni Duterte.
“The trial in principle will not stop, the Senate remains convened as an impeachment court, and once pumasok na ang mga bagong kasama namin sa Senado, it should just be a normal step na manunumpa sila sa presiding officer,” giit niya.
“We must not not push through with it, we must continue to discharge our constitutional duty,” aniya pa.
Nitong Miyerkules, ipinalabas ng Senado ang summons kay Duterte na may sampung araw upang tumugon. Ernie Reyes