MANILA, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go, vice chair ng Senate committee on finance, ang inagurasyon ng Panguil Bay Bridge, na nagdudugtong sa Misamis Occidental via Tangub City at Lanao del Norte via Tubod.
Sa habang 3.17 kilometro na tumatawid sa Panguil Bay, ang tulay ay tinaguriang pinakamahabang sea-crossing bridge sa Mindanao.
Ang dating biyahe na dalawa hanggang dalawa’t kalahating oras ay naging pitong (7) minuto na lamang sa pamamagitan ng roll-on, roll-off (RORO) vessel o sa 100-kilometrong Panguil Bay Road.
“Bilang isang Mindanawan, masaya ako dahil malaking kontribusyon ito sa mas lalong pagpapalago ng ekonomiya ng mga magkakatabing probinsya—from Northen Mindanao all the way to the upper part of the Zamboanga Peninsula,” sabi ni Go.
“Ang pag-apruba, pagpondo, at pagpapatayo nito noon hanggang sa pagbubukas ngayon ay inabot rin ng ilang taon at dumaan sa ilang administrasyon na nagsikap na maisakatuparan ang ilang dekadang pangarap ng mga kababayan natin sa Mindanao,” sabi pa ni Go.
Ang nasabing proyekto ay opisyal na binuksan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Setyembre 27, 2024. Kasama niya si South Korean Ambassador to the Philippines, Lee Sang-Hwa, at mga opisyal ng Pilipinas.
Inaprubahan ito ng National Economic Development Authority noong 2015. Sa mga huling buwan ng administrasyong Aquino, isang loan agreement para sa pagpopondo ng proyekto ang pinirmahan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Korean Export Import Bank ng South Korea.
Ang Panguil Bay Bridge Project ay ginawa bilang isa sa mga pangunahing proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program. Noong Nobyembre 28, 2018, pinangunahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang groundbreaking ceremony sa konstruksyon sa bayan ng Tubod.
Una itong tinarget na makumpleto noong Nobyembre 2021 ngunit naantala ang patatayo noong pandemya ng COVID-19.
Bilang isang ex-officio member ng Board of Directors ng Mindanao Development Authority na kumakatawan sa Senado, patuloy na sinusuportahan ni Go ang iba’t ibang proyektong pangkaunlaran at mga hakbang para sa Mindanao.
Kabilang dito ang pagtatayo ng Center for the Advancement of Research sa Unibersidad ng Pilipinas Mindanao; multipurpose buildings, sports complex and centers, parks, public markets, public terminals sa iba’t ibang local government units; pagtatayo ng National Commission of Senior Citizens building sa General Santos City, Balay Dangupan at Department of Social Welfare and Development Field Office building sa Davao City, ang Cooperative Development Authority building, DOJ National Prosecution Office Regional Office building, kapwa sa Marawi City, at iba pa.
Sa Lanao del Norte, sinuportahan din ni Go ang pagpopondo sa iba’t ibang proyekto, tulad ng bagong tourism plaza sa bayan ng Baroy; paglalagay ng solar-powered street lights sa Baroy, Lala, at Kapatagan; farm-to-market roads sa Bacolod, Lala at Magsaysay; bypass at diversion roads sa Iligan City at Munai; flood control at drainage structures sa Iligan; at mga multi-purpose na gusali sa Baroy, Pantao Ragat at Salvador. RNT