MANILA, Philippines – Maagang winakasan ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kanilang anti-corruption rally sa Quirino Grandstand nitong Lunes ng gabi, isang araw bago ang orihinal na itinakdang tatlong araw, matapos nilang ideklarang naiparating na nila ang kanilang panawagan para sa pananagutan.
Ayon kay INC spokesperson Edwil Zabala, hindi na kailangan ng tatlong araw upang ipahayag ang kanilang mensahe.
“It did not need three days to achieve the goal of sending the message that we are calling for justice, accountability, transparency, and peace,” aniya.
Tinatayang 550,000 ang dumalo sa Luneta hanggang 8 p.m. Lunes, batay sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office—mas mababa sa 650,000 na bilang noong Linggo.
Ayon naman sa Manila Police District, humigit-kumulang 110,000 ang nagkampo para sa ikalawang araw ng kilos-protesta.
Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nanatiling payapa ang unang araw ng protesta at tiniyak niyang handa ang pamahalaan laban sa anumang tangkang manggulo.
Binigyang-diin naman ni INC general evangelist Bienvenido Santiago Jr. na ang tatlong-araw na pagtitipon ay panawagan para sa konkretong aksyon laban sa umano’y korapsyon sa flood control projects, at hindi laban sa pamahalaan. RNT