Home METRO Infra projects dadaan muna sa LGU bago simulan ng nat’l agencies -PBBM

Infra projects dadaan muna sa LGU bago simulan ng nat’l agencies -PBBM

288
0

MANILA, Philippines – Ipag-uutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng practice o kasanayan ng mga ahensiya ng gobyerno partikular na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkuha ng pag-apruba mula sa local government unit (LGU) bago ipatupad ang national government-funded projects.

Ang Pangulo, kasama ang lokal na pamahalaan at mga opisyal ng DPWH, ininspeksyon ang “rock netting” sa Tuba town, Benguet province.

Sa ilalim ng P114.18-million contract na iginawad sa 3K Rock Engineering, ang isang 3,479-square meter active mesh system ay dapat na ilagay sa bahagi ng Kennon Road sa Purok Maramal, Sitio Camp 5 sa Barangay Camp 4 para patatagin ang rock formations at mabawasan ang panganib na dulot ng landslide.

Ang pagkakabit ng rockfall netting ay nagsimula noong April 24, 2018 at iniulat na natapos na noong June 15, 2019.

“This rock netting is very notorious for corruption. Rock netting has already been banned, but it kept being implemented,” ayon sa Pangulo.

Binanggit din ng Chief Executive ang overcharging ng mga kontratista pagdating sa mga materyales na ginagamit sa proyekto.

“I know the supplier of the rock netting. The price of rock netting is P3,200 [per square meter], but what was charged to the government was more than P12,000,” aniya pa rin.

Winika ng Pangulo na ang implementasyon ng proyekto ay hindi sumunod sa tamang pamamaraan, tinukoy na binaypass (bypassed) ang local government officials, at walang ginawang public consultations o pagdinig.

Ayon kay Pangulong Marcos, noong panahon na siya ay gobernador ng Ilocos Norte province, ang mga nakompletong proyekto ay dumaan sa ‘acceptance at evaluation’ ng mga lokal na opisyal, isang kasanayan na hindi na nasusunod ngayon.

“The SOP (standard operating procedure) before was that before you release the project to the local government, it should be first accepted by the local government. And that’s something that we will reinstitute,” ang sinabi ng Pangulo.

Binigyang diin din ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan na makasali ang lokal na pamahalaan, sabay sabing ang lokal na komunidad ay nasa ‘best position’ para i-evaluate kung ang mga proyekto ay natupad, dahil sila ang direktang naapektuhan.

“In my experience in local government, we check and inspect government projects every single day. Not just once in a while, every single day we walk around and go around to hear reports from ordinary people — not just from officials,” ang paliwanag ng Chief Executive.

Sa ulat, nagreklamo ang mga local chief executives na hindi sila kinonsulta bago pa ipinatupad ang infrastructure projects ng DPWH.

Sa ginawang inspeksyon, ipinaalam ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang tungkol sa damaged o di umano’y may problemang rock netting projects sa Cordillera Administrative Region, ayon sa Presidential Communications Office.

Iniulat din ni Magalong ang overpricing na may kinalaman naman sa ‘solar lights, roller barrier systems, at solar cat’s eye reflective safety devices.’ /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here