Home NATIONWIDE Institusyonalisasyon ng sports club sa mga paaralan ipinag-utos ng DepEd

Institusyonalisasyon ng sports club sa mga paaralan ipinag-utos ng DepEd

362
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) ang institusyonalisasyon ng School Sports Clubs (SSCs) sa mga public elementary at secondary schools sa bansa.

Ayon sa DepEd, layon ng hakbang na ito na i-promote ang holistic development at physical fitness sa mga estudyante, at labanan ang “pandemic-driven learning loss.”

“Kapag mas malusog ang katawan, mas malinaw ang isipan. Kapag mas aktibo ang mga bata, mas handa silang matuto at humabol sa anumang naiwang kaalaman noong pandemya,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.

“Hindi lang ito tungkol sa paglalaro. Ito ay tungkol sa disiplina, teamwork, at tibay ng loob. Mga katangiang dapat bitbit ng mag-aaral hanggang sa tunay na buhay,” dagdag pa niya.

Ayon sa DepEd, sumasabay ang SSC program sa Physical Education curriculum na nag-aalok ng dalawa hanggang tatlong oras ng supervised sports activities kada linggo.

Ito ay kasunod ng datos na tinukoy ng DepEd na nagpapakitang bigong maabot ng mga bata at kabataang Filipino ang rekomendasyon ng World Health Organization na 60 minuto ng katamtaman hanggang sa vigorous daily physical activity.

Ayon sa DepEd, ang Arnis ay magiging mandatory habang ang iba pang mga sport ay iaalok batay sa interes ng mga estudyante, available na pasilidad at mga kagamitan.

Hinihimok din ang unified sports kung saan ang mga estudyante “with and without disabilities” ay hinihimok na maglaro ng sama-sama na layo ng inclusivity, palakasin ang pagkakaibigan, at bawasan ang bullying incidents.

Magiging voluntary at inclusive naman ang membership at may probisyon para sa mga learners with disabilities at mga nasa Alternative Learning System.

Sinabi ng DepEd na ang kasalukuyang sports clubs ay dapat na naaayon sa bagong polisiya, habang ang mga paaralan na wala nito ay obligadong magtatag ng SSCs.

Ani Angara, ang pag-iinvest sa school sports ay pag-iinvest sa academic performance.

“Sa bawat oras na ginugugol nila sa laro at ensayo, pinapalakas din natin ang kanilang konsentrasyon, memorya, at kakayahang magtagumpay sa klase,” aniya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here