Home OPINION INSURGENCY-FREE BUKIDNON

INSURGENCY-FREE BUKIDNON

NOONG Martes nang nakaraang Linggo, nagsama-sama ang mga katutubo, security forces, at iba pang stakeholders sa Barangay Halapitan Municipal Gymnasium ng San Fernando, Bukidnon.

Anong ganap ika n’yo?

Upang ihayag sa lahat na wala nang mga pesteng rebelde sa lugar. Ito ang iniulat din ni Army Major Ruben Gadut, spokesman ng 10th Infantry Division, na ang San Fernando ay ang kauna-unahang munisipalidad sa Region 10 na naging malaya sa kuko ng mga rebelde, kaya idinideklara na nila ang lugar bilang insurgency-free.

Idinaan ang deklarasyon sa isang resoluyon ng mga lokal na opisyal ng munisipalidad.

Ito ay matapos siyempre ang validation o pagsusuri ng Area Clearing Evaluation Board, matapos mabuwag ng police at military ang puwersa ng New People’s Army’s  Sub-Regional Sentro de Grabidad (SRSDG) Peddler of North Central Mindanao Regional Committee.

Sabi pa ni Gadut, ang SRSDG Peddler ang kahuli-hulihang unit ng NPA na nakapag-operate sa San Fernando municipality, matapos ma-dismantle ang Guerilla Front 55 noon pang Dec. 14, 2021, at ang Sub-Regional Committee 5 noong Dec. 6, 2022.

Binigyan diin naman ni Brig. Gen. Marion Angcao, commander ng 103rd Brigade, ang kahalagaan ng pagkakaisa, kooperasyon ng lahat para sa kapayapaan at katahimikan ng isang lugar. Kapag may katahimikan nga raw, siguradong kasunod ay kaunlaran at katatagan ng San Fernando.

Ang nakamit na kapayapaan at kaayusan, aniya, ang magiging unang hakbang para sa economic growth, social development, at pagbabago sa buhay ng lahat ng naninirahan sa munisipalidad ng San Fernando.

May punto rito si Hambala, kasi kung walang magulo, mabilis ang pag-usad ng kaunlaran. Wala naman talagang patutunguhan kung puro tayo pakikipag-laban. Puro reklamo, ganoong ‘di naman nakikiisa tungo sa ikabubuti ng lahat.

Sabi nga ni San Fernando Mayor Rogelio Reke, malaki ang ibinuhos na ‘effort’ ng 10 Infantry Division para sa ikapapanatag ng kanilang munisipalidad, kaya nanawagan siya sa kanyang mga kababayan na alagaan ang katahimikang nakamtan para magtuloy-tuloy na ang kaunlaran sa kanilang bayan.

Sana, lahat ng bayan, munisipalidad sa iba pang mga kanayunan, ay gayahin ang pagkakaisang ipinamalas ng San Fernando para talagang mawala na ang panggulong CPP-NPA-NDF.