Home NATIONWIDE Inupakan ni Bong Go: DSWD namimili ng inaayudahan

Inupakan ni Bong Go: DSWD namimili ng inaayudahan

MANILA, Philippines- Binatikos ni Senador Christopher “Bong” Go sa pampublikong pagdinig sa Senado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pagkaantala, hindi tugma o hindi parehas na pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation ( AICS) program nito.

Ang pagdinig ng Senate committee on social justice na pinangunahan ni Senator Imee Marcos, ay tumalakay sa mga mungkahing i-institutionalize ang AICS program gayundin ang iba pang mga panukalang batas na nakatuon sa pagpapahusay ng social welfare programs para sa mahihirap.

Inihain ni Go ang Senate Bill No. 2638 na naglalayong i-institutionalize ang programa at matiyak na maipatutupad ito nang walang pagkaantala. Sinabi ni Go na sa kanyang panukalang batas, magiging labag sa batas sa sinumang indibidwal, pampublikong opisyal, empleyado ng DSWD o anumang local government unit na maging dahilan ng pagkaantala sa paghahatid ng mga serbisyo o pondo ng AICS sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Ngunuit sa kabila ng magandang hangarin nito, sinabi ni Go na may mga isyu na pumapalibot sa tila pagiging mapili at pagkaantala sa pagpapatupad ng programa.

“Una kong itinaas ito noong DSWD budget hearing last September 20, 2023. Muli ko itong itinaas noong budget interpellations sa plenaryo noong Nobyembre 14, 2023. Umabot na po sa 2024, ilang beses na rin po tayong nagpa-follow up nito sa ating DSWD… Kaya lang po medyo talagang mabagal,” ani Go.

Sa mga kamakailang sakuna aniya, ang pagpapatupad ng programa ay sinalanta ng delays, anomalya at diumano’y pamumulitika. Inihalimbawa niya ang hinaing ng maraming naapektuhan ng mga kalamidad tulad ng Bagyong Egay.

“Ano ba talaga ang plano niyo dito? Ilang beses na natin pina-follow up sa inyo. Hindi ko po alam kung bakit kailangang magmakaawa ng mga benepisyaryo na makahingi ng tulong mula sa DSWD,” tanong ng senador.

“Mandato naman ng DSWD na tulungan po ang in crisis at mga nangangailangan. Mandato ng DSWD na tumulong nang walang pili. Kaya nga po natin tinawag itong AICS – Assistance to Individuals in Crisis Situation,” idiniin niya. 

“Ako po’y kadalasang tumutulong po sa mga mahihirap nating kababayan. Nagbibigay po ako ng aking counterpart mismo dito. Personal ko ito, hindi po ito mula sa DSWD – yung mga grocery packs, galing po sa akin yan, pagkain, pinapa-merienda ko sila… vitamins, mga face masks. Gusto ko talagang tulungan sila yung mga naging biktima ng sunog, lindol, putok ng bulkan, buhawi, at iba pang disaster,” ani Go.

Gayunpaman, ibinahagi niya ang kamakailang kaso na nangyari sa Alaminos, Pangasinan kung saan pinagbawalan umano ng isang tauhan ng DSWD ang mga benepisyaryo na tumanggap ng suporta mula sa tanggapan ni Go at inutusan silang huwag banggitin ang pangalan ni Go sa pamamahagi ng tulong.

“Unang-una, totoo ba ito na bawal po bang banggitin ang aking pangalan, pero sa ibang pulitiko hindi bawal? …Hindi niyo po kailangan banggitin yung pangalan ko, hindi ko po kailangan ‘yan. Sabihin niyo lang po sa kanila tulungan po ito mula sa sa gobyerno, tulungan po ito sa mga mahihirap ‘Wag lang po tayo maging selective… ‘Wag niyo po haluan ng pulitika,” anang senador.

“Ito pa ang pangalawa. Bakit bawal akong pumunta? Bakit yung ibang pulitiko, hindi bawal pumunta?,” tanong niya.

Kinuwestiyon din ni Go si DSWD Sec. Rex Gatchalian tungkol sa diumano’y piling pamamahagi ng tulong ng ahensya, tulad ng ng mga naantalang pagbabayad sa Mindanao.

“Halimbawa… sa Mindanao. Meron due doon for payout na dapat nang ibigay sa kanila, naka-hold ‘yun for many months… Then nung pumunta ka, dinoble mo. Dinagdagan mo. Pwede pala ‘yung ganun?,” kuwestyon ng senador .

“…months naghintay yung mga beneficiaries. P3,000 yung matatanggap nila pero naghihintay sila ng limang buwan. Kailangan ba nilang maghintay ng lindol sa lugar nila bago n’yo i-release? Kailangan pa ba pumunta ka bago i-release?,” giit pa ng senador.

Pinuna rin ng senador ang paulit-ulit na dahilan ng DSWD na hindi sapat ang pondo para sa pagtulong sa mga mahihirap gayong dambuhalang budget ang inilaan ng magkabilang kapulungan ng Kongreso para sa AICS program ngayong taon.

“Pero ‘pag paborito n’yo ‘yung pulitiko, uy, may cash na bukas. ‘Pag sunog, ‘sorry, sir, walang cash.’ Papahirapan n’yo mga Pilipino. (Nasunugan) na nga, back to zero. Ni walang pambaon, walang pambili ng damit, hindi makaaral, papahirapan n’yo pa kasi walang cash ang DSWD,” upak pa ni Go.

Dahil dito, humingi si Go ng update ng listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo na naghihintay pa rin ng tulong mula sa DSWD at hinimok sila na bawasan ang mga delay.

“Naaawa ako sa mahihirap. Mahirap na nga, papahirapan pa. Sana ‘wag naman pong ganun. Kaya naririto tayo para isabatas ito, i-institutionalize ito. Pero kung isasabatas natin ito na hindi yung mahirap yung makikinabang, ‘wag nalang, kawawa yung mga Pilipino,” sabi ni Go. RNT