Home METRO Isa sa mga kasabwat ng ‘Luffy Gang’ naaresto ng BI sa Makati

Isa sa mga kasabwat ng ‘Luffy Gang’ naaresto ng BI sa Makati

MANILA, Philippines – IPATATAPON ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng kanilang bansa ang isang Japanese national na wanted ng mga awtoridad sa Tokyo dahil sa kinakaharap nitong kaso na theft and robbery.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pugante na si Nagaura Hiroki, 26-anyos, na naaresto noong Mayo 26 sa kahabaan ng Estrella Avenue sa Bgy. Poblacion, Makati City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit ng BI.

Nag-ugat ang pagkaka-aresto sa dayuhan makaraang ipagbigay alam ng mga Japanese authorities ang presensiya nito sa bansa sa pamunuan ng BI.

Ayon sa BI Chief, nalalapit nang ipatapon pabalik ng kanilang bansa si Hiroki dahil iniutos na siyang paalisin ng BI noong 2022 makaraang isyuhan ito ng summary deportation ng board of commissioners ng bureau.

“He was already placed in our immigration blacklist of undesirable aliens, thus he is perpetually barred from reentering the Philippines,” ani Tansingco.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, si Hiroki ay nagtago sa Pilipinas mula noong Nobyembre 20, 2019 nang siya ay huling dumating sa bansa bilang isang turista. Gayunpaman, noong 2022 lamang nang ipaalam sa BI ang kanyang kaso sa Japan.

Nang matanggap ang impormasyon, agad na nagsagawa ng manhunt ang BI laban kay Hiroki, gayundin ang iba pang kasabwat sa ‘Luffy’ scheme. Si Hiroki ay iniulat na may standing warrant of arrest na inisyu ng Tokyo Summary Court para sa pagnanakaw sa Paglabag sa Japanese penal code.

Inakusahan ng mga pulis ng Tokyo na nakipagsabwatan siya sa isa pang suspek sa pagnanakaw sa isang bahay sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang isang pulis na nagbigay-daan sa kanila na makapasok sa residential premise upang makapag-imbestiga sa isang ninakaw na ATM card.

“Further, he is being investigated by the Japanese authorities for his involvement in alleged telecommunications fraud activities,” ayon pa kay Sy.

Kasalukuyang nakakulong ang pugante sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings nito. JAY Reyes