Home METRO Isabela PPO nakaalerto sa mga Comelec checkpoint

Isabela PPO nakaalerto sa mga Comelec checkpoint

SAN GUILLERMO, Isabela – Patuloy na nakaalerto at mas lalo pang pinaigting ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang mga nakalatag na Comelec checkpoint sa lalawigan bago ang halalan.

Sa ekslusibong panayam kay PCol. Lee Allen ‘LABB’ B. Bauding, Provincial Director ng IPPO,  simula noong unang linggo ng Mayo ay todo paghihigpit sila kasabay ng isinagawang deployment ng halos 200 PNP personnel na nakatalaga sa mga Comelec checkpoint para sa augmentation.

Mahigpit pa rin aniya nilang binabantayan sa ngayon ang mga indibidwal na may bitbit na mga hindi lisensyadong baril, pangunahin na ang mga walang certificate of exemption mula sa Commission on Elections.

Ito ay upang maiwasan ang mga krimen na maaaring maitala ngayong nalalapit ang halalan.

Sa Comelec checkpoint ay visual search lamang ang ginagawa ng mga kapulisan kaya hindi ito magdudulot ng abala.

Nananawagan ang pamunuan ng pulisya sa lalawigan na maging mapagmatiyag at huminahon para maidaos nang mapayapa at tahimik hanggang matapos ang halalan sa Lunes, Mayo 12, 2025. Rey Velasco