MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa iba pang ahensya ng gobyerno upang bumuo ng isang science-based at unified na gabay sa anunsyo ng pagsuspinde ng klase, upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang binabawasan ang nawalang araw ng pag-aaral.
“Gaya ng sabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kailangan nating harapin at paghandaan ang mga hamon ng kalamidad sa edukasyon. Hindi natin kayang pigilan ang bagyo, pero kaya nating paghusayin ang ating paghahanda para maging mabilis, malinaw, at maayos ang mga desisyon kapag kaligtasan at kinabukasan na ng mga bata ang nakataya,” ayon kay Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara.
Ayon sa DepEd, bawat araw na nawawala sa klase ay may malaking epekto sa pagkatuto. Ipinakita ng 2019 TIMSS study na ang isang Grade 4 na estudyante ay maaaring mawalan ng hanggang 12.4 puntos sa matematika at 13.9 puntos sa agham kada araw ng klase, at ang nawawalang 10 araw ay maaaring ibaba ang science score mula 500 hanggang sa ilalim ng 380.
Sa School Year 2023–2024, higit 20 araw ng klase ang nawala dahil sa mga kalamidad, na nakaapekto sa 11 milyong mag-aaral, o halos 42% ng mga estudyante sa pampublikong paaralan.
Plano ng DepEd na magpatupad ng DILG advisory template, ipagawa ang ulat ng mga rehiyon tungkol sa epekto ng suspensyon, ilathala ang opisyal na datos sa nawalang araw ng klase, at palakasin ang make-up classes at Alternative Delivery Modes (ADM). Gayunpaman, binigyang-diin ng ahensya na hindi ganap na mapapalitan ng remote learning ang face-to-face instruction, lalo na para sa mas batang estudyante.
“Nauunawaan namin na laging prayoridad ang kaligtasan. Ngunit kailangan din tayong maging handa upang matulungan ang mga estudyante na makahabol sa nawalang oras. Layunin naming maging mahalaga ang bawat araw ng pag-aaral, ulan man o araw,” dagdag ni Angara. Santi Celario