MANILA, Philippines – Nagpahayag ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) at National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) ng isang buwang moratoryo sa bayad sa housing loan para sa mga residente na naapektuhan ng Typhoon Tino at Super Typhoon Uwan.
Para sa Tino, saklaw ng SHFC moratoryo ang Nobyembre 4 hanggang Disyembre 3, 2025, sa Regions IV-B (MIMAROPA), VI (Western Visayas), VII (Central Visayas), VIII (Eastern Visayas), at XIII (CARAGA). Para naman sa Uwan, saklaw ang Nobyembre 11 hanggang Disyembre 10, kabilang ang NCR, CAR, at Regions I (Ilocos), II (Cagayan Valley), III (Central Luzon), IV-A (CALABARZON), IV-B (MIMAROPA), V (Bicol), at VIII (Eastern Visayas).
Ang mga borrower ng NHMFC sa Central at Eastern Visayas na naapektuhan ng Tino ay binigyan din ng isang buwang moratoryo, kung saan mahigit 1,800 accounts ang kwalipikado.
Ani SHFC CEO Federico Laxa, “Sa panahon ng kalamidad, maaari pa ring umasa ang aming homeowners sa SHFC para sa suporta at tulong.”
Idinagdag ni NHMFC president Renato Tobias na layunin ng hakbangin na mapagaan ang pasanin ng mga pamilyang apektado at mabigyan sila ng panahon upang makabangon.
Pinapayuhan ang mga benepisyaryo na makipag-ugnayan sa lokal na opisina o bisitahin ang website ng SHFC para sa gabay. RNT