Home NATIONWIDE Isang buwang sanggol patay sa Pertussis sa NegOcc

Isang buwang sanggol patay sa Pertussis sa NegOcc

BACOLOD CITY – Patay ang isang isang buwang gulang na sanggol na siya ring unang naitalang nasawi sa pertussis o whooping cough  sa Negros Occidental.

Sinabi ni Dr. Ma.Girlie Pinongan, provincial health officer, nitong Lunes, Abril 15, na ang sanggol ay namatay habang naka-confine sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) dito noong nakaraang linggo, bago ang paglabas ng opisyal na resulta ng swab test mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Sa kasalukuyan, ang lalawigan ay may kabuuang 36 na posibleng kaso ng pertussis. Kabilang dito ang limang kumpirmadong kaso, at limang negatibong kaso.

Sa kabila nito, sinabi ni Pinongan na walang outbreak sa lalawigan, dahil ang sitwasyon ay mapapamahalaan pa rin, at walang naiulat na mga bagong kaso araw-araw.

Sinabi ni Pinongan na naglaan ng pondo ang pamahalaang panlalawigan para makabili ng 10,000 doses ng bakuna para sa pertussis at Diphtheria.

Pinaalalahanan niya ang publiko na iwasang ilantad ang mga bata at sanggol sa matataong lugar. RNT