SABI ni Ambassador Jing Quan, mahal ng China ang kapayapaan. Mabuti kung ganoon. Pero kasunod nito, sinabi niyang kung gagamit ng puwersa ang China, “madali itong mananalo.” Sa gitna ng sigalot sa West Philippine Sea, hindi ito basta pagkakamali sa pananalita na maaaring ipagkibit-balikat ng isang batikang diplomat. Walang puwang dito ang maling interpretasyon o patagong pagbabanta.
Diretsahang tinawag ng Department of Foreign Affairs ang pahayag sa tunay nitong anyo. Sinabi rin ni Pangulong Marcos na para itong “banta” at “hindi masyadong diplomatiko.”
Ganito ang dapat gawin ng isang tunay na diplomat: magpaliwanag, bawiin ang maling pahayag, at maglabas ng paglilinaw na magpapatibay sa kanyang panawagan para sa mapayapang pag-uusap at pag-aayos ng sigalot. Pero walang ginawa si Jing sa mga ito.
Sa halip, nang magreak ang mga opisyal ng Pilipinas, naging palaban ang embahada ng China. Nag-post ito ng collage ng mga senador at kongresista, tinawag silang “koro ng mga politikong anti-China,” at inakusahan ang mga mamamahayag at politiko ng “pagpilipit sa katotohanan.” Ngunit wala itong pinangalanan o binanggit na ulat na pagbabatayan ng paratang. Iyan ang dobleng mukha: nangangaral ng kapayapaan habang naghahanap ng away.
Higit pa rito, insulto ang asal na ito. Sa halip na pakalmahin ang sitwasyon at malinaw na ipaliwanag ang paninindigan ng kanyang bansa, sinusubok ni Jing ang hangganan ng kanyang diplomatikong immunity. Ang hamon niyang “gawin na lang” ng Kongreso ang pagdedeklara sa kanya bilang persona non grata, o “TIGILAN ANG PAGBUBULAKBOL,” ay isa na namang tila patagong banta, na may ipinahihiwatig na ganti.
Hindi na bago kay Jing ang ganitong mga kahihinatnan. Noong Enero, idineklara siyang persona non grata ng konseho ng bayan ng Kalayaan sa Palawan matapos batikusin ng embahada ang mga opisyal ng Pilipinas. Gayundin ang sinapit ng kanyang pinalitang ambassador matapos ang insidente ng pambobomba ng tubig sa mga barko ng Pilipinas noong 2023.
Para kay Ray Powell ng Stanford University SeaLight, tila lumampas sa hangganan ang di-pinag-isipang pahayag ni Jing at nararapat itong sagutin nang pormal. Totoo. Pero maaari namang itama ang isang padalos-dalos na pahayag. Sa halip, lalo pa niya itong ipinaglaban.
Tama si Jay Batongbacal, eksperto sa batas pandagat: hindi gumagana ang ganitong “diplomasya ng mandirigmang-lobo.” Lalo lamang nitong sinisira ang ugnayan ng dalawang bansa at pinahihina ang panawagan ni Jing para sa diyalogo.
Linawin natin: hindi personal na pagkiling kay Jing ang ugat ng pagkadismaya ng mga Pilipino. Problema ang kanyang asal, mapanakit na pananalita, at mga pahayag na walang konsiderasyon. Kung si Defense Secretary Gilberto Teodoro ang kanyang sinasagot, hindi disente ang pagbabanta sa isang buong bansa.
Bigo si Jing na itaguyod ang mabuting ugnayan ng dalawang bansa. Kung mananatili siya at patuloy na magiging tinik sa panig ng Pilipinas, hindi siya diplomat kundi sandatang ginagamit ng China sa sarili nating bayan.
Marami pang kailangang patunayan si Jing. Kung nais ng Beijing na manatili siya rito, dapat niyang ipakitang tunay siyang diplomat — hindi isang siga.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






