Home OPINION ISKEDYUL SA ISKUL VS CLIMATE CHANGE

ISKEDYUL SA ISKUL VS CLIMATE CHANGE

BINAGO na ng pamahalaan ang pasukan sa mga iskul para malabanan ang masamang pagbabago ng panahon dahil sa climate change.

Mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nagsabing sa Hulyo 29, 2024 ang pasukan at sa Abril 19 naman ang katapusan.

Maaaring sa school year 2025-2026, balik na sa lumang iskedyul ang lahat.

‘Yun bang === Hunyo hanggang Marso ang buong panahon ng pag-aaral at hindi na Agosto hanggang Mayo tulad ngayon.

Ang dahilan ng pagbabalik sa lumang iskedyul ay malinaw.

Mukhang tuloy-tuloy na ang matinding init ng panahon sa mga buwan ng Abril at Mayo.

At delikado sa mga bata, guro at maging sa mga magulang.

Delikado sa mga magulang na karaniwang naghahatid-sundo sa mga nasa kinder at elementarya.

Ilan na nga ba ang namatay o nadisgrasya sa heat stroke sa mga lansangan kaugnay ng mga eskwela?

Isa pa, gaano kalaki ang pinsala ng mga bata sa karunungan dahil sa pagkakansela ng mga pasok sa tindi ng init ng panahon?

Magastos din ang pagpasok dahil kinailangan nang magkaroon ng arcondition o iba pang sistema ng pagpapalamig ng mga kwarto at malaking halaga ito na pasanin ng gobyerno, kasama ang napakamahal na kuryente para umandar ang mga ito.

IWAS KULELAT

Kapag naisaayos na ang lahat, sana naman, makaangat na rin ang antas ng edukasyon sa bansa, para sa mga bata at para sa bayan.

Matatandaang sa pinakahuling tala ng Program for International Student Assessment, pang 77 ang mga estudyanteng Pinoy sa lahat ng estudyanteng sinarbey mula sa 81 bansa.

Edad 15 ang mga estudyante at nasa antas ng third at fourth year high school o Grade 9-10.

Panglima sa mga pinakakulelat na bansa ang ating mga kabataang mag-aaral.

At masasabi nating nagmumula ang pagiging kulelat mula kinder at elementarya hanggang umabot ito sa mga high school.

Kapag naging buo ang pagpasok at laging magkasama ang mga guro at mag-aaral, nakatitiyak tayong ang talino at kakayahan ng mga guro ay kanilang maipapasa sa mga mag-aaral.

At hindi lang ang maiangat sa kakayahan sa pagbabasa, pagbibilang at siyensiya ang ating mga pangarap kundi maging produktibo at kapaki-pakinabang sila sa kanilang paglaki bilang lakas at gulugod ng buong bansa.

TULOY-TULOY SA KOLEHIYO

Muli, kung magbubunga nang maganda ang buo na pagsasama-sama ng mga guro at estudyante sa mga mababang paaralan, inaasahan nating gayundin ang mangyayari pagdating nila sa kolehiyo.

At pangarap nating makalalaya tayo sa kulungan na pang-400-600 grado ng ating mga kolehiyo at unibersidad sa Asya.

Pero kailangan talaga ang mahigpit at koordinadong sistemang pang-edukasyon mula sa mabababa hanggang matataas na paaralan.

Ang isang napakahalagang salik ay ang pagtupad ng pamahalaan sa atas ng Konstitusyon na unahing bigyan ng pansin ang edukasyon at kasama rito ang pagbubuhos ng pondo para rito.

At sa pagbuhos ng pondo rito, hindi dapat kasama ang bulsa ng mga korap na mapuno ng pondo hanggang sa magbunga ito ng kabobohan ng mga kabataan at kainutilan ng ating mga eskwelahan.