MANILA, Philippines – MULING nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga kriminal na nagbabalak gumawa ng iligal na gawain sa lungsod matapos maaresto ng Manila Police District (MPD) ang ikalawang suspek sa isang kaso ng pagnanakaw sa Sta. Mesa.
Sa kanyang programang “Talk to the People,” iniharap si Hercules Ebuenga Delos Santos, 20-anyos, na itinuturong isa sa mga responsable sa insidente ng “salisi” theft noong Hunyo 23. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Article 308 o Theft ng Revised Penal Code.
Ayon kay Domagoso, patunay ang pagkakaaresto sa suspek na seryoso ang pamahalaang lungsod at ang MPD sa kampanya laban sa kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Maynila.
“Huwag ninyo gagawin sa Maynila. Hangga’t nandito kami, pipilitin naming mapagtagumpayan na magkaroon ng kapanatagan ng pamumuhay sa lungsod,” diin ng alkalde.
Batay sa ulat ni MPD Director Police Brig. Gen. Arnold Santiago, naaresto si Delos Santos sa kanyang tirahan sa Pasig City noong Hulyo 2 matapos iparating ng isang intermediary sa mga awtoridad ang balak umano nitong sumuko.
Sa pagdakip kay Delos Santos, nakumpleto na ng MPD ang pag-aresto sa mga suspek sa likod ng naturang krimen. Nauna nang nahuli noong Hunyo 26 ang kanyang tiyuhin na si Alvin Ebuenga, na itinuturing ding sangkot sa parehong kaso.
Sa isinagawang pagtatanong, inamin ni Delos Santos ang kanyang partisipasyon sa pagnanakaw at sinabi nitong nasangkot siya sa mga katulad na gawain mula pa noong siya ay 15 taong gulang.
Binigyang-diin ni Domagoso na patuloy niyang susuportahan ang mga hakbang ng pulisya laban sa mga gumagawa ng krimen sa lungsod. Aniya, layunin ng kanyang administrasyon na tiyaking ligtas ang mga residente at mga bumibisita sa Maynila sa pamamagitan ng mabilis na aksyon laban sa mga lumalabag sa batas.
Samantala, pinuri ng alkalde ang MPD sa matagumpay nitong operasyon at muling hinikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng mga insidenteng may kaugnayan sa kriminalidad upang mapanatili ang seguridad sa kabisera. JAY Reyes