Home NATIONWIDE Isyu ng diborsyo ‘di pinag-usapan sa pagbisita ng Vatican official sa Malakanyang

Isyu ng diborsyo ‘di pinag-usapan sa pagbisita ng Vatican official sa Malakanyang

MANILA, Philippines – HINDI na umabot pa sa puntong pag-usapan ng Vatican at Pilipinas o local Catholic Church leaders ang panukalang batas na gawing legal ang diborsyo sa bansa.

Iyon ay sa kabila na aprubado na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang absolute divorce.

Ang katuwiran ni Archbishop Paul R. Gallagher, Secretary for Relations with States of the Holy See, na ipinauubaya nila ang usapin sa mga kamay ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at mga obispo nito.

“The teaching of the Catholic Church regarding marriage is very clear and well-known. As far as I know, there has been no communication between Rome and the local Catholic Church, certainly no diplomatic overtures to the department or to the government. At the pastoral level, the matter is within the confidence of the Bishops’ Conference of the Philippines and the individual bishops,” ayon kay Gallagher, nasa bansa para sa limang araw na pananatili nito sa Pilipinas para makapulong ang ilang opisyal kabilang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dumalo sa ilang aktibidad.

Sa ulat, nkakuha ng 126 na boto ang House Bill No. 9340 o Absolute Divorce Act habang 109 kongresista ang tutol at 20 ang abstention.

Sa ilalim ng panukala, ang mga batayan para sa judicial decree ng absolute divorce ay ang mga sumusunod:

-grounds para sa legal separation na nakasaad sa Article 55 ng Family Code;

-grounds para sa annulment of marriage sa ilalim ng Article 45 ng Family Code;

-kapag limang taon ng hiwalay ang mag-asawa bago inihain ang petisyon para sa absolute divorce at imposible na sila ay magkabalikan pa;

-kung mayroong psychological incapacity ang alinman sa mag-asawa;

-kapag ang isa sa mag-asawa ay nagpa-sex reassignment surgery o nagbago ang kasarian;

-kung mayroong irreconcilable difference ang mag-asawa at imposible ng magkasundo;

-iba pang uri ng domestic o marital abuse

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa tulong ng iba pang ahensiya at mga organisasyon ang gagawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa loob ng 60 araw matapos maging batas ang panukala.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng Presidential Communications Office (PCO) na hindi pinag-usapan nina Pangulong Marcos at Gallagher sa naging pulonh nlla sa Palasyo ng Malakanyang ang divorce bill na nakabinbin ngayon sa Senado at maging ang Sexual Orientation and Gender Identity or Expression (SOGIE) bill, at same-sex marriage.

Ipinaabot naman ni Pangulong Marcos ang kanyang “good wishes” kay His Holiness Pope Francis at binigyang-diin ang masiglang diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at Holy See.

“It’s a great pleasure to welcome you here in Manila,” ang sinabi ni Pangulong Marcos kay Gallagher.

Bagama’t hindi naman nagbigay ng mensahe si Pope Francis ng pagkontra sa divorce bill, sinabi ni Gallaghe na hinihikayat ng Simbahan Katoliko ang mga Katoliko ng Filipino na pakinggan ang mensahe ng church pastors sa isyung ito.

“We, as the Holy See, obviously encourage Filipino Catholics, particularly their political leaders, to listen to their pastors and try to offer the best approach to this. But it is a matter for the bishops, whom I will be seeing in Mindanao in the coming days,” ayon kay Gallagher.

Ipinaubaya na ni Pope Francis sa mga obispo ang paghahayag ng kanilang posisyon hinggil sa divorce bill.

Samantala, nakatakda namang makapulong ni Gallagher ang CBCP sa kanilang nalalapit na plenary meeting. Kris Jose