Home NATIONWIDE Jubilee Churches binuksan ng Diocese of Antipolo

Jubilee Churches binuksan ng Diocese of Antipolo

253
0

MANILA, Philippines – Bilang pagdiriwang ng Taon ng Jubilee sa ika-400 anibersaryo ng pagdating ng mapaghimalang imahe ng Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje at ng kanyang ika-100 anibersaryo ng canonical coronation, binuksan ng Diocese of Antipolo ang mga Jubilee Churches.

Ayon kay Bishop Ruperto Santos, kura paroko ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, isang malalim na panawagan ito ng pananampalataya at misyon at hindi lamang paglalakbay sa mga banal na lugar.

Binigyang-diin ng Obispo sa kanyang mensahe na ang hubileyo ay paalala sa pagkakakilanlan ng Simbahan bilang sambayanang sama-samang naglalakbay at nakikibahagi sa mga gawain ni Hesus sa sanlibutan.

Ipinaliwanag ng Obispo na ang pagbubukas ng anim na Jubilee Churches mula sa hilaga, timog, silangan at kanluran ng lalawigan ng Rizal ay sagisag ng nagkakaisang Simbahang naglalakbay bilang iisang pamilya ng Diyos.

Aniya, ang mga simbahang ito ay nagsisilbing mga “beacon of faith” at patunay ng patuloy na pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayan.

Iniuugnay ni Bishop Santos ang diwa ng hubileyo sa karanasan ng mga alagad sa gitna ng bagyo, kung saan ang presensya ni Hesus ang nagdulot ng kapayapaan

Tinukoy ng Obispo na ang pagdiriwang sa mahigit 400 taong kasaysayan ng debosyon sa Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje na patuloy na gumagabay sa mga Pilipino sa gitna ng mga hamon ng buhay.

Iginiit ni Bishop Santos na bukod sa proteksyon ng Mahal na Birhen ng Antipolo ay nananawagan din itong dalhin ang Mabuting Balita sa mga pamilya, pamayanan, mahihirap, kabataan at matatanda.

Dalangin ni Bishop Santos ang pagkakaisa ng buong diyosesis, lalo na sa pagtatagpo ng mga peregrino mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan.

Nawa’y sa paglalakbay na ito ay muling matutuklasan ng mga mananampalataya na sila ay iisang katawan kay Kristo, tinipon ng Mahal na Ina tungo sa kapayapaan, kagalingan, at panibagong pag-asa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here