Home NATIONWIDE ‘Kabit’, live-in partner sakop ng Anti-Political Dynasty Bill

‘Kabit’, live-in partner sakop ng Anti-Political Dynasty Bill

172
0

MANILA, Philippines — Saklaw din ng panukalang Anti-Political Dynasty Act sa Senado ang mga mistress o live-in partner ng mga pulitiko kahit hindi sila legal na kasal, ayon sa talakayan sa panukalang batas.

Sa plenary debate sa Senate Bill No. 1901, nagtanong si Vicente Tito Sotto III upang linawin ang posibleng mga butas sa panukala habang ipinagtanggol naman ito ni Risa Hontiveros.

“For the record, I am in favor of Senate Bill 1901. My interpellations would be focusing on clarification and, secondly, plug possible loopholes that might arise in case we are able to pass this bill. We do not want it to be abused and for it to be used properly in line with what the Constitution really wants,” ani Sotto sa sesyon ng Senado noong Marso 4.

Layunin ng panukala na pagbawalan ang mga kamag-anak sa loob ng ikalawang antas ng pagkakamag-anak—tulad ng mga magulang, anak, lolo’t lola, kapatid, at apo—na sabay-sabay o sunud-sunod na humawak ng posisyon sa pamahalaan. Saklaw din nito ang mga kamag-anak sa pamamagitan ng affinity tulad ng mga biyenan at bayaw o hipag.

Tinanong ni Sotto kung paano matutugunan ng panukala ang mga sitwasyon kung saan ang “girlfriend” o umano’y partner ng isang pulitiko ang tatakbo sa posisyon sa gobyerno, lalo na kung itinatanggi ang naturang relasyon.

Ipinaliwanag ni Hontiveros, na siyang namumuno sa Senate Committee on Women, Children, and Family Relations, na saklaw ng pagbabawal ang mga taong nagsasama at nagpapakilala sa publiko bilang magkapareha o may relasyon, anuman ang kanilang kasarian.

Ayon sa kanya, hindi kinakailangan ang deklarasyon ng korte na nagpapatunay ng bigamous o adulterous na relasyon upang ipatupad ang probisyon.

“Even if a couple lies and claims they have split, that is grounds for cancellation of a certificate of candidacy for willful concealment or falsehood in the sworn statement. The same restrictions and disqualifications that apply to spouses will also apply to cohabiting partners,” ani Hontiveros.

Sa ilalim ng panukala, maaaring kanselahin ng Commission on Elections ang certificate of candidacy ng isang kandidato kung mapatunayang itinago ang naturang relasyon. Kung nakaupo na sa posisyon, maaaring magsampa ng quo warranto petition upang ipawalang-bisa ang kanyang pagkakahalal.

Gayunman, hindi saklaw ng panukala ang mga kamag-anak ng mistress o live-in partner dahil hindi sila kabilang sa mga kamag-anak sa loob ng ikalawang antas.

Ayon kay Sotto, maaari pa rin itong maging butas sa batas kung ang layunin ay pigilan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa mga magkakaugnay na indibidwal.

“We are not preventing the transfer of power or influence dahil yun din yun—kung minsan nga yung girlfriend mas matapang sa asawa e,” aniya.

Ipinaliwanag ni Hontiveros na ang limitasyon sa ikalawang antas ng kamag-anakan ay batay sa rekomendasyon ng Commission on Elections dahil maaaring maging mahirap ipatupad ang batas kung lalawakan pa ang saklaw nito.

Dagdag pa niya, ipinagbabawal din ng kasalukuyang bersyon ng panukala ang sabay na panunungkulan ng magkakapatid sa Senado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here