Home METRO Kagawad nasabugan ng gulong, patay

Kagawad nasabugan ng gulong, patay

CAMALANIUGAN, Cagayan – Sinalubong na ni kamatayan ang isang barangay kagawad dahil sa matinding tama sa binti at lumabas pa ang buto nito nang sumabog ang isang gulong habang nilalagyan ng hangin sa isang vulcanizing shop dito sa nabanggit na bayan.

Kinilala ni PCapt. Jessie Alonzo, hepe ng Camalaniugan Police Station ang biktima na si Demi Balianca, 67-anyos ng Brgy Kagawad ng Cullit, Lal-lo, Cagayan.

Una rito, nagpa-vulcanize ang biktima ng gulong ng kanyang motorsiklo kung saan katabi lamang nito ang sumabog na gulong ng trailer truck na posibleng nasobrahan sa hangin gamit ang compressor kung saan ay napuruhan.

Ayon kay PCapt. Alonzo, human error ang dahilan ng insidente o nagkaroon ng kapabayaan ang vulcanizer na kinilalang si Edison Garcia, 44-anyos at residente sa bayan ng Camalaniugan.

Sa lakas ng pagsabog ay tinamaan ng debris ng gulong ang biktima, kasama ang bubong at bintana ng shop.

Agad sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang suspek na pansamantala nasa kostodiya ng pulisya. Rey Velasco