MANILA, Philippines – Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang NBI sa insidente sa Senado kaugnay ng pagtatangkang pagsilbi ng arrest warrant ng International Criminal Court laban kay Senador Ronald dela Rosa.
Ayon kay Matibag, hindi sila magdadalawang-isip na disiplinahin ang mga ahente ng NBI kung may nagawang mali, ngunit nilinaw niyang walang nangyaring pananapak sa insidente.
Nagkaroon ng tensyon noong Lunes sa pagitan ng mga tauhan ng Senate Sergeant-at-Arms at mga ahente ng NBI matapos tangkaing umalis ng mga ahente na nauna nang pinatawan ng contempt.
Sinabi ni Matibag na inakala ng mga ahente ng NBI na iligal silang pinipigilan ng mga tauhan ng Senado kaya nagkaroon ng komprontasyon.
Dagdag pa niya, may isang tao umanong nakatakbo at nadapa sa hagdan ngunit walang nangyaring suntukan.
Samantala, sinabi rin ni Matibag na kokonsulta sila sa Department of Justice para sa susunod na hakbang kaugnay ng ICC warrant laban kay Dela Rosa, na kasalukuyang nasa protective custody ng Senado. RNT/MND