MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ng lokal na pamahalaan lalo na kapag may umiiral na sama ng panahon.
Ayon kay Asec Albert Domingo, tagapagsalita ng DOH, para makaiwas sa sakuna ay agad na tumalima sa abiso ng mga opisyal ng pamahalaan lalo na kung kinakailangan nang lumikas.
Paalala pa ni Domingo, dapat ding tandaan ang rescue hotlines: 9-1-1 sa national, at 1-5-5-5 sa D-O-H.
Dagdag pa ni Domingo na dapat magdala ng radyong de-baterya para malaman ang balita.
Kung napalusong naman sa baha, payo ni Domingo na hugasan ng malinis na tubig at sabon ang katawan, at kumonsulta sa health center kung saan may libreng gamot.
Para naman aniya sa mga evacuees ay dapat na maghugas lagi ng kamay, at magsuot ng face mask para iwas ubo at sipon.
Sa gitna ng banta ng kalamidad, nananawagan ang DOH sa lahat na makiisa sa mga hakbang para sa kaligtasan ng bawat isa. Jocelyn Tabangcura-Domenden