MANILA, Philippines – Nabisto si Vice President Sara Duterte na sumasahod pa siya Davao City government noong 2023, sa kabila ng pagiging ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, ayon sa opisyal ng Bureau Internal Revenue (BIR), sa impeachment trial nitong Huwebes, Oktubre 8.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay VP Sara, iniharap ng prosekusyon si Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez, chief-of-staff ni BIR Commissioner Charlito Mendoza.
Kinumpirma ni Garcia-Marquez na mayroong Form 2316 o Certificate of Compensation Payment na nakapangalan kay Duterte para sa taxable year 2023, na pirmado ng mga empleyado ng city government ng Davao, kung saan si Duterte ang tinutukoy bilang empleyado.
“Ano ang ibig sabihin na merong 2316 form na ‘yan na pinirmahan ni VP Sara?” tanong ni prosecution counsel Erwin Matib.
“Ibig sabihin naka-receive si VP Sara ng compensation income for 2023,” ani Garcia-Marquez.
“Okay, so ibig sabihin si VP Sara mismo ang nag-confirm by signing that na tumanggap siya ng suweldo mula sa Davao City noong 2023,” sabi ni Matib, na kinumpirma rin ng testigo.
Hindi malinaw sa pagdinig kung bakit tumanggap si Duterte ng compensation mula sa Davao City o kung anong serbisyo ang kapalit nito.
Binanggit ni prosecution counsel Atty. Erwin Matib ang Section 13, Article VII ng 1987 Constitution. Ayon dito, ang Pangulo at Bise Presidente ay “shall not, during said tenure, directly or indirectly, practice any other profession, participate in any business, or be financially interested in any contract with, or in any franchise, or special privilege granted by the Government or any subdivision, agency, or instrumentality thereof, including Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) or their subsidiaries.”
Ayon kay Garcia-Marquez, sinasabi ng Tax Code ay dapat patawan ng buwis ng lahat ng kitang nagmumula sa anumang pinagmulan, legal man o ilegal.
Binanggit din ni Matib sa direct examination ang mga ITR ni Duterte noong alkalde pa siya ng Davao City, kung saan nag-ulat din siya ng iba pang kita.
Ayon kay Garcia-Marquez, nag-ulat si Duterte ng other income mula sa sales, receipts o fees na P3.188 milyon noong 2017, P1.876 milyon noong 2018, at P4.051 milyon noong 2019, ang huling taon ng kanyang termino bilang alkalde.
Iprinisinta rin ni Matib ang Section 90 ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991, na nagbabawal sa mga lokal na opisyal, kabilang ang mga gobernador at alkalde ng lungsod at munisipyo, na magpraktis ng propesyon o magkaroon ng ibang trabaho bukod sa kanilang tungkulin bilang local chief executive.
Sinabi ni Garcia-Marquez na walang ibinigay na detalye si Duterte sa ITR tungkol sa uri o pinagmulan ng other income. Gail Mendoza/Ernie Reyes