MANILA, Philippines – Lumabas sa isang pag-aaral na ang mga Filipino ang pinaka-pinagkaitan ng tulog o pinaka-sleep deprived sa Southeast Asia at pang-apat sa buong mundo.
Ang nasabing data ay mula sa Milieu Insight, isang consumer data analytics company kung saan nanguna ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na may mas mababa sa 7 oras ang tulog araw-araw.
Ayon sa Sleep Cycle Survey of the World Economic Forum, ang Pilipinas ay pang-apat sa buong mundo na may 6.3 hours at 6.45 hours na tulog.
Ang dahilan ng ‘sleep deprivation’ ay ‘digitalization at globalization’ kabilang ang paggamit ng social media o mobile phones habang nagpapahinga at graveyard shift work.
Ang kakulangan sa tulog ay hindi dapat basta-basta lang.
Ang rekumendadong sleeping hours para sa adults ay 7 hanggng 9 oras kada gabi habang ang mga senior citizens ay dapat natutulog ng 6 hanggang 8 oras kada gabi.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Philippine Society of Sleep Medicine President Rodolfo Dizon Jr. na ang kakulangan sa tulog ay nagreresulta ng ‘obesity, cardiovascular disease gaya ng heart disease at high blood pressure, stroke, heart attack.’
Mayroon din aniyang tsansa na makapag-develop ang sleep-deprived individuals ng diabetes at infection.
Kaya nga payo nito sa mga taong nahihirapang matulog sa gabi ay “i-organisa ang iskedyul ng pagtulog, panatilihing malinis, tahimik at madilim ang kuwarto, sanayin na magkaroon ng ‘downtime’ bago matulog na ang ibig sabihin paghahanda sa pagtulog gaya ng maligo at huwag gumamit ng gadgets isang oras bago matulog.” Kris Jose