MANILA, Philippines – Isa hanggang dalawang tropical cyclone kada buwan ang inaasahang mabubuo o papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mula Oktubre hanggang Disyembre, ngunit ilan sa mga ito ay maaaring umabot sa typhoon o super typhoon category, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis na mas kaunti ang inaasahang bagyo sa huling quarter ng taon sa gitna ng nagpapatuloy na El Niño.
Ayon sa PAGASA, moderate to strong El Niño ang kasalukuyang nararanasan sa tropical Pacific at posibleng umabot sa very strong state bago matapos ang 2026. Inaasahan din itong magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027.
Bagama’t mas kaunti ang bilang ng mga bagyo, sinabi ng PAGASA na karamihan sa mga potensyal na tropical cyclone ay maaaring mag-landfall at tumawid sa bansa.
Samantala, ang low-pressure area na minomonitor sa labas ng PAR ay naging tropical depression nitong Martes. Kapag pumasok ito sa PAR, tatawagin itong Queenie at posibleng lumakas pa sa mga susunod na araw.
Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin at advisory para sa pinakabagong impormasyon sa mga bagyo at epekto ng El Niño. RNT