MANILA, Philippines – Pinawalang-sala ng Korte Suprema ang isang lalaking kinasuhan ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children o VAWC Act dahil sa kawalan ng patunay na siya ang ama ng batang hinihingan ng sustento.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, binaligtad ng SC Third Division ang hatol ng Regional Trial Court at Court of Appeals na nagkondena sa akusado sa kasong economic abuse.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng isang babae laban sa kanyang dating nobyo dahil sa umano’y pagtanggi nitong magbigay ng suportang pinansyal.
Ngunit iginiit ng akusado na hindi siya ang ama, at hindi rin natuloy ang planong DNA test.
Sa ebidensya, birth certificate lamang ang iniharap ngunit walang pirmadong pangalan ng ama.
Ayon sa Korte Suprema, mahalagang mapatunayan ang paternity bago magkaroon ng obligasyong magbigay ng sustento o mapanagot sa economic abuse.
Dahil dito, ibinasura ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden