MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa Department of Education (DepEd) ng agarang aksyon upang tugunan ang kakulangan ng guro, developmental pediatrician, at allied health professional para sa special needs education (SNED).
Sa budget briefing ng DepEd kamakailan, ibinahagi ni Villanueva ang kanyang pagbisita sa Minuyan Elementary School sa San Jose del Monte City, Bulacan, na iniulat na may 138 batang may espesyal na pangangailangan ang pinaglilingkuran ng dalawang guro ng SNED.
“Our children cannot afford to wait. We need to address the shortage of SNED teachers,” sabi ni Villanueva.
Nagpahayag din siya ng pag-aalala sa mga hamong kinakaharap ng mga pamilya sa pagkuha ng tamang diagnosis dahil sa kakulangan ng mga developmental pediatrician at ng angkop na suporta para sa kanilang anak.
Sumang-ayon naman si Education Secretary Sonny Angara kay Villanueva at sinabi na inaabot ng isang taon bago makakuha ng appointment ang isang bata sa isang developmental pediatrician.
Binigyang-diin din ni Villanueva, co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2), ang kakulangan ng mga developmental pediatrician, occupational therapist, at speech therapist.
Binanggit din niya ang mga bottleneck sa pagkuha ng mga empleyado sa mga pampublikong ospital, kabilang ang mga posisyong hindi pa naaaprubahan (plantilla), sa kabila ng kakayahan ng mga institusyong ito na kumuha ng mas maraming eksperto.
Ipinunto pa ni Villanueva na maaari pang palakihin ang output ng mga teaching at training hospital kung bibigyan ang mga ito ng karagdagang suporta. Ang Philippine Children’s Medical Center ay nagsasanay ng limang espesyalista bawat taon, ngunit maaari itong magsanay ng hanggang 15.
Samantala, ang National Children’s Hospital ay nagsasanay ng walo bawat taon, ngunit maaari nitong dagdagan ang bilang na ito ng hindi bababa sa 10.
Ang Philippine General Hospital naman ay nagsasanay ng dalawang espesyalista bawat taon, ngunit kaya nitong tumanggap ng 10.
“There are low-hanging fruits that we can actually implement right away,” ani Villanueva, kasabay ng panawagan sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na tugunan ang mga kakulangang ito habang isinasakatuparan ang mga pangmatagalang reporma.
Ipinunto rin ng senador na dapat sabayan ang pagpapalawak ng workforce o lakas-paggawa ng abot-kayang developmental assessment at angkop na interbensyon, lalo na para sa mga pamilyang may mababang kita.
Samantala, binigyang-diin din ni Villanueva ang pangangailangang gawing institusyonal ang mga programa para sa pangangalaga sa autism at inclusion upang makatulong sa pagprotekta sa mga karapatan at dignidad ng mga taong may autism spectrum disorder (ASD), gayundin sa pagsusulong ng kanilang ganap na pagsasama, pakikilahok, at kapakanan sa lipunan.
“The Senate already approved the National Autism Care, Support and Inclusion Act. For every child who remains undiagnosed, for every family struggling to find the right support, and for every student waiting for a teacher, we have a responsibility to act,” sabi ni Villanueva, co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 1822.
“Inclusion must go beyond words. It must be felt by every child and every family who needs it,” dagdag pa niya. Ernie Reyes