CAVITE, Philippines – Dalawang hinihinalang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ang naaresto makaraang masabat sa isang buy-bust operation at nakuhanan ng tinatayang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu sa Barangay Buhay na Tubig, Imus City, Cavite.
Arestado dakong 6:40 ng gabi noong Agosto 13, 2026 ang mga suspek na kinilala sa alyas na “Ryan”, 33, at “Mark”, 35, na kapwa tinukoy ng mga awtoridad bilang mga kilalang personalidad sa ilegal na droga.
Pinangunahan ng PDEA Cavite Provincial Office, katuwang ang Cavite Maritime Police Station, ang operasyon matapos umanong makumpirma ang transaksyon sa pagitan ng mga suspek at ng undercover operative.
Sa isinagawang operasyon, narekober mula sa mga suspek ang limang transparent plastic bag na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu.
Tinatayang 500 gramo ang kabuuang bigat ng nakumpiskang kontrabando, na may standard value na humigit-kumulang ₱3.4 milyon.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakuha rin ng mga operatiba ang buy-bust money, isang smartphone, isang multi-purpose vehicle, susi ng sasakyan at driver’s license na sinasabing may kaugnayan sa operasyon.
Dinala ang dalawang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa kustodiya ng PDEA para sa isasagawang dokumento.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, in relation to Section 26(b), Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang naarestong mga suspek. MARGIE BAUTISTA