MANILA, Philippines – Gumagawa na ng hakbang ang administrasyong Marcos para linisin ang kalat na na iniwan ng Duterte administration na patuloy na nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa.
“Maraming anomalya na dapat nating malaman pati iyong mga ghost projects sa inamin naman ng dating Pangulong Duterte. So, lahat ng kalat noong nakaraan ngayon po natin nililinis at malamang isa ito sa nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon po nang hindi magandang epekto ito sa ekonomiya,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Nauna rito, kinondena ni VP Sara ang administrasyon sa pahayag na bumubuti ang ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi kasi ni Pangulong Marcos na posibleng makabawi ang ekonomiya ng bansa sa huling quarter ng taong 2025.
Ayon kay VP Sara, maganda ito tingnan sa papel subalit patuloy ang loss of confidence sa bansa at halos walang pumapasok na investments kaya’t imposible umanong makarekober ang ekonomiya ng bansa.
Sinabi naman ni Castro na ang kamakailan lamang na kalamidad at usapin sa flood control ang nagpabagal sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa third quarter ng 2025.
Gayunman, sinabi ni Castro na ang di umano’y korapsyon ay nagsimula bago pa umupo sa pagka-Pangulo si Pangulong Marcos.
“But ang pangako ng Pangulo, gagawin ang lahat, pati ang Economic Team gagawin lahat para po mapaangat pa ang ekonomiya ng bansa,” ani Castro. (KRIS JOSE)