Home OPINION  “KALINGANG BUMBERO” MENTAL HEALTH HOTLINE INILUNSAD ng BFP  

 “KALINGANG BUMBERO” MENTAL HEALTH HOTLINE INILUNSAD ng BFP  

DITO sa Pilipinas, pangunahing institusyong nilalapitan ng mga taong may karamdaman sa pag-iisip o may depression ay ang National Center for Mental Health o NCMH na matatagpuan sa Mandaluyong City. Nalikha ito sa bisa ng Public Work Act 3258 na nagbukas noong December 17, 1928 at unang kinilala bilang Insular Psychopathic Hospital.

Ang Major Depressive Disorder (MDD) ay tinatawag din bi­lang unipolar depression o clinical depression, kung saan may serye ng nararamdamang depresyon ang isang tao na nagiging dahilan sa kanyang posibleng pagpapakamatay, puwedeng dahil ito sa problemang pinansiyal, pamilya o pag-ibig. Batay sa pagsasaliksik, may 8.5% ng kabuuang populasyon ang nakararanas ng ganitong sitwasyon sa buong mundo at walang partikular na edad o kasarian. Lumabas pa ngang ang isang anim na gulang na sanggol ay may malaking tsansa na magkaroon ng MDD kapag iniwan ng kanyang ina.

Sa pagkilala ng BFP o Bureau of Fire Protection sa mental health crisis bilang isang nakakaalertong problema ay inilunsad nito ang isang hotline na nais makatulong sa mga taong lubhang naaapektuhan na ang kanilang mental health.

Sa pamamagitan ng “Kalingang Bumbero” hotline na 0962-4584BFP o 0962-4584237 ay may makakausap na 114 na specially trained bumbero na handang makinig at magbigay ng kanilang payo.

Pagseseguro ng BFP ay dumaan sa pagsasanay mula mismo sa NCMH ang mga bumberong umuupo sa hotline.

Sa datos na nakalap ng BFP, nakapagtala ng 3,529 na suicide cases sa bansa noong 2023 o mas mataas ng 15 percent kumpara noong 2022.

Noong isang taon din, may 31 na nagtangkang magpatiwakal ang nailigtas ng mga tauhan ng BFP.

Hangad ng BFP na sa pamamagitan ng kanilang hotline ay makatulong sila sa mga taong may pinagdaraanan sa buhay.
Sa pagsasaliksik, walo sa bawat 10 Filipino ang dumaraan sa anxiety na kapag hindi naagapan ay nagiging depression na maaaring humantong sa pagpapatiwakal.

Maaaring tumawag sa NCMH Crisis Hotline na 1553 o sa 0919-0571553 para sa mga gumagamit ng Smart at TNT, o sa 0966-3514518 o sa 0917-8998727.