Home NATIONWIDE Kamara handa na sa ikatlong SONA

Kamara handa na sa ikatlong SONA

MANILA, Philippines – Handa na ang Kamara de Representantes na idaos sa Hulyo 22 ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ang sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco matapos ang ikatlong SONA inter-agency meeting na ginanap sa Heroes Hall, Malacañan Palace noong Martes.

“Handa kaming mag-adjust para ma-accommodate ang aming mga partners mula sa Office of the President (OP) at sa Senado,” sabi ni Velasco sa isang news release nitong Miyerkules.

Sinabi ni Senate Secretary Renato Bantug na ang “lion’s share” ng paghahanda sa kaganapan ay pinangangasiwaan ng Kamara.

Ang mga opisyal mula sa OP ay nagsagawa ng isang inisyal na walk-through ng SONA scenario mula sa pagdating ng Pangulo hanggang sa kanyang paghahatid ng SONA at ang resulta noong Lunes.

Sinabi ni House’s Inter-Parliamentary and Public Affairs Department (IPAD) Deputy Secretary General (DSG) lawyer Grace Andres na ang pagtatalaga ng silid para sa lahat ng mga bisita sa araw ng SONA ay pinal sa pulong noong Martes.

Sinabi naman ni DSG Floro Banaybanay ng House’s Engineering and Physical Facilities Department na may mga pagbabagong ginawa sa mga room assignment para sa “facilitation and easy movement of our guests specially the President, his entourage and his family members.”

Samantala, iniulat ng Philippine National Police na plano nitong magpakalat ng 22,000 pulis sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lugar para sa kaganapan.

Ang huling pagpupulong para sa paghahanda ng SONA ay nakatakda sa Hulyo 15, 2024.

Ang susunod na sesyon ng 19th Congress ay magbubukas sa umaga ng Hulyo 22. RNT