Home NATIONWIDE Kamara maghahain ng motion for reconsideration sa SC ukol sa impeachment case...

Kamara maghahain ng motion for reconsideration sa SC ukol sa impeachment case ni VP Sara

286
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration ang Kamara sa Korte Suprema kaugnay sa naging desisyon nito sa impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.

“Ang Kamara, matapos ang masusing pag-aaral, ay maghahain ng Motion for Reconsideration dahil ang Desisyon – na nagsasabing ang Articles of Impeachment na ipinadala sa Senado ay barred o unconstitutional – ay nakaangkla sa mga factual premises o findings na mali at salungat sa opisyal na rekord ng Kamara,” ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante.

Giit pa ng tagapagsalita na maituturing aniyang “categorically false” nang sabihin ng SC na ang Articles of Impeachment ay nai-akyat sa Senado nang walang pagpapasya ng plenaryo.

“Noong Pebrero 5, 2025, si Majority Leader Mannix Dalipe ang nagmungkahi na ipasa ang Pebrero complaint sa Senado, batay sa katotohanang ito ay verified at pirmado ng hindi bababa sa 1/3 ng mga miyembro ng Kamara. Ang mosyong ito ay inaprubahan sa plenaryo, at agad ring bumuo ang Kamara ng panel of public prosecutors. Ang transmittal sa Senado ay hindi unilateral o ministerial – it was a clear result of plenary action.”

Makikita rin aniya ito sa House Journal No. 36 at sa official Record ng Kamara.

Itinanggi rin ni Abante ang pahayag ng Supreme Court na nabigo ang mga mambabatas na aktuhan o aksyunan ang naunang tatlong impeachment complaints na inihain noong December 2024 dahil ito aniya ay “voted to archive” o idismis ilang oras bago ang adjournment.

“Sa parehong araw na inaksyunan ang February complaint, bumoto rin ang Kamara sa plenaryo na i-archive ang tatlong impeachment complaints na inihain noong Disyembre. Ginawa ito ilang oras bago mag-adjourn ang session, dahil nakumpirma na ang Pebrero complaint ay pirmado at verified ng 1/3 ng mga miyembro ng Kamara. Ayon sa Konstitusyon, ito ay itinuturing nang Articles of Impeachment at obligadong ipadala sa Senado para sa paglilitis.”

Giit pa ni Abante na hindi lumabag sa “one-year bar rule” ang Articles of Impeachment na inihain sa Senado.

“Ang pinakabatayang saligan ng Desisyon kung saan umikot ang mga legal pronouncements ng Korte ay mali. Hindi isinama ang plenary vote, mali ang pagbasa sa timeline ng mga kilos ng Kamara, at mas pinaniwalaan ang isang news article kaysa sa House Journal at opisyal na report na isinumite mismo sa Korte. Nakababahala na ang Desisyon ay hindi man lang bumanggit o tumugon sa mga dokumentong ito,” dagdag pa ni Abante.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang spokesperson ng Kamara sa naging interpretasyon ng Korte Suprema ukol sa due process dahil ito aniya ay nagsusulong ng bagong requirements na hindi matatagpuan o mababasa sa kunstitusyon at House rules.

“Ayon sa Korte, kahit ang reklamong pirmado na at verified ng 1/3 ng mga miyembro ay kailangan pa ring basahin ng bawat pumirma at pagkatapos ay i-refer muli sa plenaryo upang pagbotohan. Dapat din daw ay nabigyan ng kopya at pagkakataon ang respondent na sagutin ang reklamo bago ito maisumite sa Senado. Ngunit wala pong ganitong rekisito sa ating Konstitusyon o sa mga Rules ng Kamara,” paliwanag pa ni Abante.

“Sa madaling salita, nagbigay ang Korte ng panibagong patakaran na wala naman sa umiiral na batas. Pinawalang-bisa nila ang Articles of Impeachment base sa mga bagong pamantayan ng due process para sa respondent.”

Tinukoy pa ni Abante ang ukol sa “doctrine of operative facts” sa pagsasabing nagpasiya ang Kamara “ in good faith” o base sa isinasaad ng precedent rulings sa Francisco and Gutierrez – na parehong dinesisyunan din ng Supreme Court.

“Ang Kamara ay pinarusahan dahil sinunod namin ang Francisco at Gutierrez rulings – mga pasyang galing din sa Korte Suprema.”

Binanggit pa ni Abante na ilang beses ding inimbitahan sa pagdinig sa Kamara ang Vice President ngunit patuloy aniya itong hindi dumadalo.

“It should also be said – kung due process at opportunity to be heard ang usapan, ilang beses nang naimbitahan si VP Sara Duterte sa mga pagdinig ng Committee upang siya ay mabigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang panig. Ngunit nanatili siyang tikom ang bibig.”

Ang pasiya rin ng Korte Suprema ayon kay Abante ay pagdaragdag ng mga kakaibang rekisitos na hindi lamang nagdudulot ng komplikasyon sa proseso ng impeachment kungdi naghihimasok din ito sa “exclusive powers” ng Malaking Kapulungan ng Kongreso.

“These are requirements that essentially amend the Constitution and represent an unacceptable intrusion into the exclusive powers of the House of Representatives.”

Sa mosyon na ihahain ng Kamara ay umaasa ang Kapulungan na maitutuwid aniya ang mga pangyayari upang muling makapagpasiya ang SC ng patas.

“Muli, ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte ay dumaan sa wastong proseso. Inaprubahan ito ng Kamara sa plenaryo. Ipinadala ito sa Senado na may buong awtoridad ng institusyong may pananagutan sa Saligang Batas. To disregard these facts is not only a disservice to the truth – it is a disservice to the Constitution itself.”

“Nananatiling matatag ang Kamara sa tungkuling ipagtanggol ang integridad ng ating mga demokratikong institusyon. Hinihikayat namin ang publiko na basahin ang mga rekord, sundan ang mga pangyayari, at huwag malito sa maling impormasyon. Malinaw ang katotohanan. Nagkaroon ng botohan. Naitala ito sa opisyal na talaan. At ginawa ng Kamara ang kanyang tungkulin,” giit pa ni Abante.

Binanggit din ni Abante na nirerespeto ng Kamara ang desisyon ng SC. (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here