Home HOME BANNER STORY Kamara makikipagtulungan sa Ombudsman sa OVP, DepEd confi funds probe – solon

Kamara makikipagtulungan sa Ombudsman sa OVP, DepEd confi funds probe – solon

MANILA, Philippines – Siniguro ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairperson Representative Joel Chua na ang kanyang komite ay makikipagtulungan sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education nang si Vice President Sara Duterte pa ang kalihim nito.

Binalaan ni Ombudsman Samuel Martires na maaaring ma-cite in contempt ang komite kung hindi ito makikipagtulungan sa imbestigasyon.

“Well, makakaasa po ang ating Ombudsman na tayo ay makikipag-cooperate. In fact, pagka nag-submit na po ng answer yung ating Bise Presidente, tayo po ay handang mag-submit ng ating replies at nang sa ganoon ay ia-attach na rin po natin ang iba pang mga transcript at mga iba pang mga dokumento na ebidensya po natin base po sa committee report,” ani Chua.

Kamakailan ay sinabi ni House Spokesperson Atty. Princess Abante na ang Kamara ay hindi naghahain ng anumang reklamo sa Ombudsman at binigyan lamang ng Kamara si Martires ng kopya ng mga rekomendasyon ng komite nang matapos na ang imbestigasyon nito sa paggamit ng confidential funds ni Duterte.

“Ang amin po kasi ay nagsumite po kami ng committee report sa plenaryo at cinopy-furnish po namin ang Ombudsman. So if the Ombudsman will treat it as a formal complaint, so be it,” dagdag ni Chua.

“Kami naman po ay natutuwa dahil ito po’y inaktuhan ng Ombudsman. At kami naman, bagamat wala pang ebidensya na naka-attach dito, inaksiyunan po nila agad-agad. So this is the first time yata na nangyari na ganito kabilis yung pag-action ng Ombudsman. But be that as it may, kami ay natutuwa at makakaasa po sila na kung anuman yung mga susunod na hakbang ay amin pong gagawin,” pagpapatuloy pa ng mambabatas.

Nang tanungin naman kung makakaapekto ba sa impeachment proceedings ang posibleng dismissal ng reklamo, sinabi ni Chua na:

“Iba naman kasi ang basis sa impeachment complaint, iba rin naman ang basis sa criminal complaint. Sa criminal complaint kasi siyempre, yung beyond reasonable doubt bagamat sa Ombudsman ay probable cause muna lamang. Pero iba kasi yung bigat ng pagpapatunay. So tingnan natin.” RNT/JGC