MANILA, Philippines — Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na suriin kung maaaring isama sa paglilitis ang walong bagong insidenteng idinagdag ng prosekusyon sa kaso laban sa kanya.
Ayon sa depensa, ang nasabing mga insidente—na tinukoy bilang Incidents 50 hanggang 57—ay hindi kabilang sa naunang 49 insidenteng nakasaad sa Document Containing the Charges ngunit isinama sa Trial Brief ng Office of the Prosecutor.
Iginiit ni defense counsel Peter Haynes na idinagdag ang mga ito nang walang naunang pahintulot ng korte at hiniling na magpasya ang Trial Chamber kung dapat amyendahan ang Trial Brief o alisin ang walong insidente.
Kinuwestiyon din ng depensa ang pinagmulan at pagiging authentic ng ilang dokumentong ginagamit kaugnay ng mga bagong insidente.
Ayon sa depensa, ang mga Philippine National Police Incident Record Forms na sumusuporta umano sa mga ito ay nagmula kay dating Senador Antonio Trillanes IV, isang kilalang kritiko ni Duterte. Sinabi rin ng kampo ni Duterte na wala umanong pirma o “certified true copy” markings ang ilang dokumento.
Ang mga ito ay mga argumento ng depensa at hindi pa desisyon ng ICC hinggil sa admissibility o bigat ng nasabing ebidensya.
Nauna nang sinabi ng prosekusyon na nadagdagan ng walong insidente ang saklaw ng mga kasong inihaharap laban kay Duterte.
Wala pang inilalabas na pampublikong tugon ang Office of the Prosecutor sa pinakahuling mosyon ng depensa kaugnay ng walong insidente.
Nakatakdang magsagawa ang Trial Chamber III ng status conference ngayong Miyerkules, Setyembre 16, habang itinakda sa Nobyembre 30, 2026 ang pagsisimula ng paglilitis kay Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa panahon ng kanyang drug war. Dave Medina