MANILA, Philippines – Dinala sa ospital si Tony Yang, ang nakatatandang kapatid ni dating Duterte administration adviser Michael Yang dahil sa sakit sa baga, ayon sa legal counsel nitong si Raymond Fortun.
“May iniinda siya, may nararamdaman po sa baga. Even before po siya inaresto, nagpa-check-up siya sa Singapore at ayun po ang findings sa kanya ng mga doctor,” sinabi ni Fortun nitong Biyernes, Disyembre 6.
“Medyo lumubha ito dahil na nga rin dun sa conditions niya sa detention place and dahil na rin siguro sa stress,” dagdag pa niya.
Si Tony ay iniugnay sa illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) at iba pang criminal activities.
Sinabi ni Fortun na si Tony ay na-diagnose na may centrilobular emphysema bago pa ang pagkakaaresto nito noong Setyembre.
Matatandaan na idinetain si Yang sa pasilidad ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noon pang Setyembre matapos na i-cite in contempt ito ng House quad committee dahil sa pagsisinungaling.
Pinayagan naman ng Kamara ang hiling nitong medical treatment, at si Yang ay dinala sa ospital Huwebes ng gabi.
“Humingi kasi kami sa QuadComm na ipa-check-up si Mr. Tony Yang dahil meron naman din talaga siyang iniinda. Pinagbigyan na ito ng QuadComm at kami ay nagpapasalamat sa pahintuloy na ito,” sinabi ni Fortun.
Aniya, aalamin pa ng mga doktor kung kailangang i-confine si Yang sa ospital.
Inimbestigahan ng Senate panel ang mga POGO na posibleng may kaugnayan kay Yang sa mas malawak na POGO network. RNT/JGC