NEGROS OCCIDENTAL- Sumuko na sa pulisya ang isang barangay kapitan sa Silay City, Negros Occidental matapos siyang ituro bilang suspek sa pamamaril sa isang lalaki noong Mayo 6, 2025.
Ayon sa ulat ng Silay City Police, kusang-loob na sumuko si Barangay Kapitan Jennefer Cañete ng Barangay Guimbala-on, isang araw bago ang halalan, at isinailalim na sa kustodiya habang iniimbestigahan.
Matatandaang binaril at sugatan ang isang lalaki sa Brgy. Guimbala-on, kung saan itinuturo si Kap. Cañete na nasa likod ng krimen.
Bagama’t itinanggi ng opisyal ang pagkakasangkot sa pamamaril, nagpahayag ito ng kahandaang harapin ang mga paratang upang patunayan ang kanyang pagiging inosente.
Sinabi ni PCol. Leo Pamittan, provincial director ng Negros Occidental Police, na patuloy ang ginagawa nilang masusing imbestigasyon para alamin ang tunay na motibo sa pangyayari. Mary Anne Sapico