NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Kinondena ni Cauayan, Negros Occidental Mayor John Rey Tabujara ang umano’y karahasan, pananakot, at kaguluhan na dulot ng New People’s Army (NPA) sa kanilang bayan.
Sa kanyang pahayag sa Facebook, sinabi ng alkalde na hindi kukunsintihin ng lokal na pamahalaan ang anumang banta sa kaligtasan ng mga sibilyan.
Ang pahayag ay kasunod ng engkuwentro noong Sabado sa pagitan ng mga sundalo ng 15th Infantry Battalion at umano’y NPA fighters sa Cauayan na ikinamatay ng limang hinihinalang rebelde.
Ayon sa Philippine Army, ang mga nasawi ay may kaugnayan umano sa pagkamatay ng 26 sibilyan sa Negros Island mula 2025.
Sinabi ni Tabujara na ang mga aksyon ng NPA ay nakakaapekto sa kapayapaan at nagdudulot ng takot sa mga residente ng Cauayan.
“Cauayan will not tolerate any threat to the safety, security, and well-being of our people,” ani Tabujara.
Dagdag pa niya, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Armed Forces of the Philippines upang tiyakin ang seguridad ng mga apektadong lugar at maibalik ang kaayusan.
Nanawagan din siya sa mga residente na manatiling kalmado, alerto, at makipagtulungan sa mga awtoridad para sa kapayapaan at seguridad ng kanilang bayan. RNT/MND