Home LIFESTYLE HEALTH Kaso ng Covid-19, bumaba ng 70% ngayong taon – DOH

Kaso ng Covid-19, bumaba ng 70% ngayong taon – DOH

1
0

MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) na nananatiling mababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, matapos itong bumaba ng 70% ngayong taon.

Ayon sa DOH, 1,532 kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala mula Enero 4 hanggang Hulyo 11, 2026, mas mababa kumpara sa 5,070 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Bagama’t mababa ang bilang ng mga kaso, hinikayat pa rin ng DOH ang publiko na ipagpatuloy ang mga simpleng hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang sakit sa paghinga.

Pinayuhan ng ahensya ang publiko na regular na maghugas ng kamay, takpan ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing, at panatilihin ang wastong kalinisan.

Hinimok din ang mga nakararanas ng sintomas ng sakit sa paghinga na magpatingin sa pinakamalapit na health center o pagamutan at sundin ang mga tamang hakbang upang hindi makahawa sa iba.

Ayon sa DOH, maaaring walang sintomas ang COVID-19 o kaya naman ay magdulot ng banayad hanggang malubhang sakit sa paghinga. Kabilang sa mga karaniwang sintomas ang lagnat, panginginig, pananakit ng lalamunan, ubo, sipon o baradong ilong, sakit ng ulo, pagkapagod, pananakit ng kalamnan, hirap sa paghinga, pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, pananakit ng tiyan, at pagkawala o pagbabago ng panlasa o pang-amoy.

Samantala, pinaalalahanan ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines ang publiko na manatiling mapagmatyag matapos ang pagtaas ng kaso sa ilang lugar tulad ng Quezon City, ngunit iginiit na wala namang dahilan para mag-panic dahil karamihan sa mga bagong kaso ay mas banayad.

Inirekomenda rin ng mga eksperto ang pagsusuot ng face mask at pag-iwas sa matataong lugar kapag may sakit, at ang pagpapasuri para sa COVID-19 kung makararanas ng mga sintomas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here