Home NATIONWIDE Kaso ng dengue noong Hulyo, tumaas sa Habagat at magkakasunod ng bagyo

Kaso ng dengue noong Hulyo, tumaas sa Habagat at magkakasunod ng bagyo

266
0
NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – Naitala ng Department of Health (DOH) ang bahagyang pagtaas ng kaso ng dengue mula Hulyo 13 hanggang 26, kasabay ng epekto ng Habagat at sunod-sunod na bagyo.

Umabot sa 15,091 dengue cases ang naitala sa nasabing panahon, mas mataas ng 7% kumpara sa 14,131 kaso mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 12.

“Matatandaang ito ang linggo nang maramdaman ang epekto ng bagyong Crising, Dante at Emong,” pahayag ng DOH. Nakaapekto rin ang Southwest Monsoon o Habagat na pinaigting ng mga naturang bagyo.

Tiniyak ng DOH na aktibo pa rin ang dengue fast lanes sa mga ospital nito at patuloy ang pagbabantay laban sa sakit.

Pinayuhan nito ang publiko na samantalahin ang mga panahong walang ulan upang linisin ang paligid at alisin ang mga pinamumugaran ng lamok gaya ng paso, alulod, kanal at drainage.

“Gawin ang taob, taktak, tuyo, at takip sa mga simpleng lalagyan ng tubig,” paalala ng ahensya.

Kabilang sa mga sintomas na dapat agad ipasuri sa health center o DOH hospital ay lagnat na dalawang araw, rashes, pananakit ng katawan at mata, pagkahilo at pagsusuka.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, target ng DOH na maabot ang zero dengue-related deaths pagsapit ng 2030, katuwang ang Philippine Medical Association.

“We can actually lower [the death rate] if we lower the incidence of new cases… at magagawa natin ang zero deaths,” ani Herbosa sa ikalawang Dengue Summit. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here