Home NATIONWIDE Kaso ng dengue sa bansa, ‘plateauing’ – DOH

Kaso ng dengue sa bansa, ‘plateauing’ – DOH

MANILA, Philippines – Nagsimula nang mag-plateau o pumantay ang kaso ng dengue sa buong bansa ayon sa Department of Health (DOH).

Sa kabila nito ay may posibilidad pa rin na tumaas ang bilang nito ngayong nagsimula na ang tag-ulan.

Hanggang nitong Hunyo 1, sa datos ng DOH ay may kabuuang 5,368 kaso ng dengue ang naitala mula Mayo 5 hanggang Mayo 18, na bahagyang mas mataas sa 5,305 kaso mula Abril 21 hanggang Mayo 4.

Samantala, nasa kabuuang 3,793 kaso ng dengue ang naitala mula Mayo 19 hanggang Hunyo 1, bagama’t sinabi ng DOH na maingat sila sa pag-interpret ng mas mababang tally.

Mula noong Enero hanggang Hunyo 1 ay mayroon nang kabuuang 70,498 kaso ng dengue ang naitala sa buong bansa. Mayroong 197 ang nasawi dahil dito.

Nakapagtala ng pagtaas sa kaso ng sakit ang Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Caraga, Mimaropa, at Northern Mindanao sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.

Nagbabala naman sa publiko si Kim Patrick Tejano, medical officer mula sa DOH Disease Prevention and Control Bureau, na dapat ay manatili pa ring alerto at huwag makampante sa nagpa-plateau na kaso ng dengue.

“In the first quarter of this year, there is a slight decrease in the trend of dengue cases. Whereas in the first few weeks of the second quarter, we can observe a plateau in the epidemic curve of dengue cases,” ani Tejano sa isang media conference sa Olongapo City.

“Usually naman po kapag [when it’s the] rainy season, we expect an increase in cases,” dagdag pa niya.

Bilang bahagi ng paghahanda ng DOH sa tag-ulan, naglagay na ang DOH ang dengue fast lanes sa mga ospital at iba pang health facilities.

Siniguro rin ng DOH ang availability ng rapid diagnostic tests sa primary health facilities.

Sa kasalukuyan ay wala pa ring eksaktong gamot para sa dengue. RNT/JGC