Home NATIONWIDE Kaso ng dengue sa Imus umakyat sa 291

Kaso ng dengue sa Imus umakyat sa 291

1
0

MANILA, Philippines – Dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng nagdaang bagyo at epekto ng Habagat ay umabot na sa 291 ang naitalang kaso ng dengue na lubos na ikinabahahala ng mga residente, ayon sa tala ng Imus City goverment.

Sa kabuuang bilang, 192 ang kumpirmadong kaso, habang 46 ang probable cases at 53 naman ang suspected cases, batay sa pinakahuling datos na inilabas pamahalaang lungsod nitong Agosto 20.

Mas mataas ito kumpara sa naitalang bilang noong Hulyo 29, kung saan nasa 186 ang confirmed cases, 46 probable cases at 48 suspected cases.

Ipinapakita nito ang patuloy na pagdami ng mga residenteng tinatamaan ng sakit.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging mas masigasig sa paglilinis ng kanilang mga tahanan at paligid upang mapuksa ang mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue virus.

Isa sa itinutulak ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang “Alas-Kwatro Kontra Mosquito”, kung saan hinihikayat ang mga residente na magsagawa ng search-and-destroy operation sa kanilang mga bahay at komunidad tuwing alas-4 ng hapon.

Pangunahing layunin ng kampanya na hanapin at alisin ang mga naipong tubig sa mga lalagyan, kanal, paso, gulong at iba pang lugar na maaaring pamugaran at pangitlugan ng Aedes mosquitoes, na pangunahing nagkakalat ng dengue.

Pinaalalahanan din ang publiko na huwag umasa lamang sa fogging bilang solusyon sa dengue.

Ayon sa DRRMO, hindi sapat ang basta pagsasagawa ng spraying dahil hindi nito direktang napupuksa ang mga itlog at larvae ng lamok na maaaring nasa mga pinamumugarang lugar.

Samantala, pinayuhan ang mga residente na gumamit ng mosquito repellent, magsuot ng mahahabang damit na may mapusyaw na kulay at panatilihing malinis ang kapaligiran.

Mahalaga rin ang sapat na pag-inom ng tubig, lalo na sa mga nakararanas ng sintomas ng dengue.

Kabilang sa mga sintomas na dapat bantayan ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit sa likod ng mga mata, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pagsusuka, pagkapagod at pagkakaroon ng pantal sa balat.

Kapag nakaranas naman ng matinding pananakit ng tiyan, tuloy-tuloy na pagsusuka, pagdurugo, dugo sa mga inilalabas ng katawan o hirap sa paghinga, pinapayuhan ang pasyente na agad na magtungo sa pinakamalapit na pagamutan.

Nanawagan ang DRRMO sa mga Imuseño na makiisa sa araw-araw na paglilinis dahil ang pagpigil sa pagdami ng dengue ay hindi lamang nakasalalay sa mga awtoridad kundi nangangailangan ng sabay-sabay na pagkilos ng bawat pamilya at komunidad.MARGIE BAUTISTA 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here