Home NATIONWIDE Kaso vs Guo inihahanda na ng Comelec

Kaso vs Guo inihahanda na ng Comelec

MANILA, Philippines – Inihahanda na ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, Hulyo 1, ang pagsasampa ng mga kasong election offense laban kay suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa isang panayam, sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na kakausapin niya ang kanilang Law Department para simulan ang pagsisiyasat sa mga piraso ng ebidensya na magagamit sa pagsasampa ng poll cases laban kay Guo.

Samantala, sinabi ni Garcia na hinihintay nila ang ulat ng imbestigasyon ng Senado sa usapin, gayundin ang quo warranto petition na ihahain ng Office of the Solicitor General (OSG) laban kay Guo.

“Syempre mas maganda din talaga na mahintay namin ang mismong Senate committee report. Ano ba ang mga nakita nila na ebidensya at syempre yung sa OSG. Pero pwede naming gawing basehan ang nilalaman ng petition for quo warranto para makita namin meron ba talagang misrepresentation,” aniya.

Bukod pa aniya ito sa mga kasong perjury at falsification na posibleng isampa laban kay Guo.

Aniya, ang isang election offense ay may limang taong prescriptive period.

“Kung 2022 po ang violation, wala pang limang taon. Therefore, may jurisdiction pa kami na maghain ng kaso. Kung nakaligtas ka sa administrative liability, hindi ka nakakaligtas sa criminal liability,” dagdag pa ni Garcia.

Nauna nang sinabi ng Comelec na maaaring sampahan ng kasong misrepresentation si Guo dahil sa paggawa ng maling pahayag sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) nang tumakbo siya noong May 2022 elections.

Sa kanyang COC, idineklara niya ang Tarlac City, Tarlac bilang kanyang lugar ng kapanganakan, at na siya ay naninirahan sa Pilipinas sa loob ng 35 taon at dalawang buwan.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng National Bureau of Investigation na tumugma ang fingerprints ni Guo sa isang Chinese na babae na nagngangalang Guo Hua Ping, na posibleng nagpapahiwatig na sila ay parehong tao.

Ayon sa mga ulat, pumasok si Guo Hua Ping sa Pilipinas noong 2003 noong siya ay 13 taong gulang pa lamang. RNT