Home NATIONWIDE Kaso vs. parak, guro na umatras BSKE 2023 duties suportado ng DILG

Kaso vs. parak, guro na umatras BSKE 2023 duties suportado ng DILG

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Miyerkules sa planong pagsasampa ng kaso laban sa mga pulis at guro na umatras sa mga tungkulin sa botohan sa huling minuto na nagdulot ng pagkaantala sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa forum ng Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na dapat magsagawa muna ng imbestigasyon upang matukoy kung ang poll workers na ito ay may balidong dahilan kung bakit biglang huminto sa mga gawain.

“Sinusuportahan ko ito. Bakit? Pinaghandaan iyan. Sila ay sinanay. At importante sa lahat iyong mismong araw ng eleksiyon. Ito ay pagboto. Ito ang karapatang bumoto,” ani Abalos.

“Isipin mo, just because of that act, we will be deny people of that right to suffrage. Iyon ay hindi maiisip. …Unless, of course, may valid reason naman,” dagdag pa niya.

Noong Martes, nangako ang Commission on Elections (Comelec) na magsampa ng criminal at administrative charges laban sa mga guro at pulis na naantala ang 2023 BSKE dahil sa kanilang biglaang pag-withdraw sa kanilang mga tungkulin.

“If we study the Omnibus Election Code, criminal po iyon eh, at the same time, administrative. Hindi kasi puede [na ganun na lang eh] kasi otherwise, mauulit nang mauulit,” ani Comelec chairperson George Garcia.

“Okay lang magwithdraw prior [to Election Day] kasi naiintindihan naman namin na hindi mandatory ang Election Day service. Pero, kung halimbawa, ikaw na na-train na, pagkatapos nagkagastos-gastos na kami, tapos on the day of the election, bigla kang magwi-withdraw. Worse, iyong pinalit namin, bigla rin magwi-withdraw. May mali diyan,” paliwanag pa ni Garcia.

Sinabi ni Garcia na humigit-kumulang 2,530 guro ang umatras sa kanilang boluntaryong serbisyo sa araw ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Santi Celario