IPINAKITA ni Atty. Merito Luis Fernandez ang resolosyon ng Nueva Ecija Provincial Prosecutor's Office na nagbabasura sa kasong isinampa laban sa Taiwanese businessman na kanyang kliyente. MARINA BERNARDINO-SY
NUEVA ECIJA, Philippines – Ibinasura na ng Provincial Prosecutor’s Office ng Nueva Ecija ang mga kasong rape, serious illegal detention and corruption of minor laban sa isang negosyanteng Taiwanese mula sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Sa isang pahinang desisyon na inilabas ni Prosecutor lll Julius Caesar A. Mustard, ang pag-dismiss sa kaso ay base na rin sa naging salaysay ng menor-de-edad na “biktima” na si Jopay (‘di tunay pangalan) na walang katotohanan na siya’y hinalay o idinitine ng inaakusahang Taiwanese.
Ani Jopay, 17, hindi niya personal na kakilala ang Taiwanese at hindi rin siya nagtungo sa Olongapo Prosecutor’s Office sa Zambales para magsampa ng reklamo laban sa negosyante noong February 12, 2025.
Ikinagalak naman ng abogado ng inaakusahang Taiwanese ang naging desiyon ng piskalya na ibasura ang mga kaso.
Ayon kay Atty. Merito Luis Fernandez, napatunayan sa desisyon ng piskalya na walang sala ang negosyante sa imbento o gawa-gawang kasong rape para pagkaperahan ng ilang indibidwal ang kanyang kliyente.
“Nakita ko ‘yung parang gustong ipakulong ang client ko nang walang due process eh. So I filed a motion to transfer sa DOJ. Ibinalik sa Region 3. Eh kaso yung nasasakupan eh, ‘yung Olongapo kaya ni-raffle at bumagsak sa Cabanatuan.” sabi ni Fernandez.
Nauna nang sinabi ni Jopay na ginamit lamang siya ng isang “sindikato” para kikilan ng halagang P50 milyon ang Taiwanese.
Ayon kay Jopay, hindi siya papayag na hindi mabigyan ng hustisya ang ginawang panggagamit sa kanya at sa kanyang mga magulang ng sindikato.
Ang pekeng kasong rape, serious illegal detention and corruption of minor laban sa Taiwanese ay isinampa noong February 12, 2025 sa Olongapo Prosecutor’s Office ngunit hindi alam ni Jopay na siya pala ang tumatayong complainant.
Pero dahil sa kahilingan ng abogado ng Taiwanese, naiakyat ito sa Regional Prosecutors Office at nalipat sa piskalya ng Nueva Ecija sa Cabanatuan City na siyang nag-dismiss sa kaso.
Kaugnay nito, noong August 29, 2025, ay nagsampa ng kaso si Jopay at kanyang mga magulang laban sa 12 individual, kinabibilangan ng dalawang piscal, isang dating pulis, at isang retiradong judges na sangkot sa “sindikato” na gumamit sa kanya para magsampa ng pekeng reklamo para makakotong sa negosyanteng Taiwanese.
“Sinira nila ang buhay ko, ang dami nilang idinamay na wala namang ginawa. Sana po mabigyan po ako ng hustisya. Di po ako titigil hanggang ‘di sila nakukulong!” ani Jopay.
Nanawagan si Jopay at ang abogado niya sa Department of Justice na imbestigahan din ang ilang kawani ng kagawaran para maiwasan na magamit sila sa pangingikil ng mga sindikato at ilang tiwaling kawani ng pamahalaan. (MARINA BERNARDINO-SY)