Home NATIONWIDE Kasunduan ni Duterte sa China, walang bisa – Pimentel

Kasunduan ni Duterte sa China, walang bisa – Pimentel

MANILA, Philippines- Muling iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel na anumang kasunduan na pinasok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China ay walang bisa o anumang legalidad sa batas ng bansa.

Sinabi ni Pimentel na kailangang imbestigahan ng pamahalaan ang sinasabing kasunduan kung totoo ngang nagkaroon nito sa pagitan ng Beijing at dating administrasyon na ikinokonsiderang personal lamang.

“President sinabi niya sa kapwa niya president ng ibang bansa na para di magka-escalation sa lugar. Ang Pilipinas ay magsupply lang kagamitan, pagkain at tubig… It is obviously [a] personal agreement, therefore pagkatapos ng term ng taon na iyon, hindi na binding sa bansa iyon,” ayon kay Pimentel.

Kasabay nito, hinikayat din ni Pimentel ang Lehislatura na imbestigahan kung nagkaroon ng aktuwal o opisyal na pangyayari sa naturang kasunduan.

Anumang kasunduan o tratado na pinasok ng gobyerno ay dapat aprubahan ng Senado sa botong 2/3 ng bilang ng miyembro alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas.

Iginiit din ni Pimentel na hindi na kailangan pang patingkarin ang isyu sa kasunduan dahil hindi naman ito official treaty.

“Hindi na uso verbal agreement ngayong panahon… Pwede na sabihin ng executive branch na di na namin itutuloy, kasi nirespeto naman ng anim na taon nung dating president,” giit ni Pimentel.

“Sa tingin ko tinupad ni [former president] Duterte ang commitment niya, pero tapos na po ang term nya at iba na ang president ngayon… Iwasan na natin pumasok sa verbal, unrecorded  at informal agreement. Iwasan na natin iyon, sa system natin at Constitution, most likely unconstitutional ang ganyan mga agreement,” dagdag niya.

Pinagsabihan din ni Pimentel ang publiko na huwag pagbintangan ang dating Pangulo bilang traydor sa pakikipagkasundo sa China dahil nagbabago ang pakahulugan nito sa “panahon ng giyera.”

Sa halip, dapat hikayatin ng gobyerno na subukan at palaganapin ang mas mahusay na relasyong pang-ekonomiya sa China.

“Ang point nya is to maintain the peace. Paano i-criticize ang tao gusto lang kapayapaan? Huwag natin gamitin mga ganyang salita. Loaded yan. Ang pinabalabas natin, nasa giyera na ba tayo with China?” giit niya. 

“Democracy ito. We need checks and balances… We need, in a democratic situation, na may taga-puna,” ani Pimentel. Ernie Reyes