MANILA, Philippines – Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng extradition treaty sa Portugal para sa pag-aresto sa dating mambabatas na si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla, ipinag-utos na ng Pangulo na mag-apply na sila ng ”formal application” ng extradition treaty kahit pa walang extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Protugal.
Sa pamamagitan aniya ng Interpol ay magre-request na sila ng repatriation ni Zaldy Co kung nasa Portugal talaga aniya ang huli.
Si Co ay pinaniniwalaang nasa Portugal sa gitna ng nagpapatuloy na pag-aresto sa indibiduwal na kinasuhan dahil sa flood control mess sa Oriental Mindoro.
Si Co ay pinaghihinalaang humahawak ng Portuguese passport, na “acquired so many years ago”.
Sa kabilang dako, isiniwalat ni Remulla na kanselado na ang pasaporte ni dating Presidential spokesperson Harry Roque.
“So, its a matter of time na pababalikin na siya dito (Pilipinas),” ayon kay Remulla.
Matatandaang nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng Lucky South 99 POGO firm.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, sinabi ni Roque na siya ay kasalukuyang naninirahan sa Netherlands kasama ang kapwa Pilipino roon.
Habang si dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag ayon kay Remulla ay nananatili aniyang nagtatago sa kabundukan ng Cordillera Administrative Region.
Ang dating heneral ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid, ilang taon na ang nakakalipas. (KRIS JOSE)