MANILA, Philippines – Arestado na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang kawatan na nambiktima ng isang estudyante sa Maynila na nag-viral sa socia media matapos hablutin ang kanyang mamahaling cellphone at gintong kwintas sa Lawton Underpass sa Maynila.
Nagdulot ng matinding trauma sa biktima ang insidente kung saan nag-iiyak habang pinapakalma ng ilang mga kapwa dumaraan sa underpass ang estudyante noong nakaraang Oktubre 13.
Ang insidente ay naipost sa social media at naging viral na agad namang inaksyunan ng mga tauhan ng MPD.
Kinilala ang suspek na si Bryan Capillos alyas Tanda Bakla.
Nabawi naman ang mga gamit ng biktima kabilang ang kwintas at cellphone nito ngunit hindi agad napawi ang epekto ng kanyang trauma.
Tiniyak naman ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na makukulong ang suspek.
Nagpasalamat ang alkalde sa nagpadala sa kanya ng video dahilan para sa ikinasang operasyon laban sa suspek.
Pinasalamatan din niya ang MPD na hindi binigo ang biktima para makamit ang hustisya. Jocelyn Tabangcura-Domenden