PANGASINAN-Patay ang isang 22-anyos na lalaki matapos barilin sa ulo ng kanyang pinsan sa Brgy. Nalsian, Calasiao ng lalawigang madaling-araw ng Sabado, Nobyembre 9.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktima samantalang arestado naman ang 27-anyos na suspek na pinsan nito.
Ayon sa pulisya, ang suspek at ang biktima ay parehong residente ng Brgy. Gabon ng naturang bayan.
Nabatid na ang magpinsan ay nagpunta sa isang bar sa naturang lugar para mag-inuman.
Nang lumabas ang biktima para umihi sa isang bakanteng lote sa likuran ng bar ay sumunod ang suspek at binaril sa ulo ang biktima ng isang beses gamit ang isang improvised pistol.
Hindi pa tukoy ng mga otoridad kung ano ang motibo sa krimen.
Gayunman, patuloy sa pag-iimbestiga ang mga otoridad para alamin kung ano ang nangyari at bakit bigla na lang na itinumba ng suspek ang kanyang pinsan. Rolando S. Gamoso