MANILA, Philippines – Patay ang isang 48-taong gulang na lalaki matapos tumakas sa pagkakahuli ng mga pulis at masagasaan ng isang tourist bus sa Pasay City Sabado ng umaga, Pebrero 7.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang biktima na si Ricson Timosan Y Linao, 48, residente ng 534 Sampaguita St., Villa Sta. Maria, Zamboanga City.
Sa sketchy report na isinumite ni De Sesto sa Southern Police District (SPD), naganap ang aksidente ng pagkakasagasa sa biktima bandang alas 5:45 ng umaga sa harap ng Cebu Pacific, sa kahabaan ng northbound lane ng Domestic Road, Pasay City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni De Sesto na dakong alas 5:00 ng umaga ay minamaneho ng biktima ang kanyang Nissan Navara (ZAC 1306) nang sitahin ng mga nagpapatrulyang miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) sa kahabaan ng Andrews Avenue sa nabanggit na lungsod dahil sa improvise licensed plate ng kanyang minamanehong sasakyan.
Makaraan ang pagsita sa biktima ay dinala ito sa HPG South District Office sa may Domestic Road, Pasay City, at itinuloy ang pagsasagawa ng beripikasyon kung saan nadiskubre ang kinahaharap na tatlong standing warrants sa kasong estafa ng biktima.







