LA UNION, Philippines – Isinugod sa ospital ang isang 37-anyos na lalaki matapos saksakin ng kanyang kainuman sa Brgy. Poblacion West, Pugo ng lalawigang ito kaninang 12:45 ng madaling araw.
Ayon sa mga awtoridad, ang biktima ay residente ng Tuba, Benguet samantalang ang suspek ay residente naman ng Pugo, La Union.
Ang suspek at ang biktima ay nag-iinuman malapit sa isang store sa naturang lugar nang bigla silang magkaroon ng mainit na pagtatalo.
Sa gitna ng kanilang pagtatalo ay biglang sinaksak ng suspek ang biktima at saka mabilis na tumakas.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang tumakas na suspek. Rolando S. Gamoso