Home METRO Kelot nasakote sa sexual abuse sa kasintahang minor

Kelot nasakote sa sexual abuse sa kasintahang minor

MANILA, Philippines- Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang indibidwal dahil sa pananakit at pananakot sa menor-de-edad na biktima dahil sa pribadong video.

Ito ay matapos magreklamo ang biktima kasama ang kanyang magulang sa NBI-Cybercrime Division upang maghain ng reklamo laban sa suspek para sa mga kasong Grave Threats, Slight Physical Injuries, at paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004) at RA 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act), na parehong may kinalaman sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Ayon sa complainant, nagkaroon sila ng relasyon ng suspek at dahil sa pagseselos, sinasaktan ng suspek ang menor na nagsimula noong Abril 2024.

Dagdag pa, ang nagrereklamo ay binantaan ng suspek na ipo-post niya ang kanilang pribadong video.

Noong Mayo 21, 2024, sinabi ng complainant sa CCD na binantaan siyang muli ng suspek na ipo-post niya ang kanilang pribadong video kung tatanggi ang una na makipagkita sa kanya.

Kaya naman agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng CCD na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Dinala ang suspek sa opisina ng NBI-CCD para sa wastong dokumentasyon, at iniharap para sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor, Quezon City noong Mayo 22, 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden